Pagsisiyasat ng Sakit Sa Kidney

Ang kasabihang “A stitch in time saves nine” ay pawang totoo sa paggamot ng sakit sa kidney. Ang Chronic Kidney Disease (CKD) ay hindi gumagaling at kung hindi magagamot nang maayos ay madaling mauwi sa end stage kidney disease (ESKD). Gaya ng napag-usapan sa naunang yugto, ang taong mayroong CKD ay maaaring walang mararamdaman. Kung ang pagsiyasat ng sakit sa bato ay maagang nagawa, ang tamang panggagagamot ay maibibigay kaagad at ang mabilis na pagsira ng kidney ay mapababagal. Kung iniisip na ang isang tao ay may sakit sa bato, ang payo ay magpatingin upang malaman kaagad.

Sino ang dapat magpatingin para sa sakit sa kidney? Sino ang kalimitang nagkakaroon ng problema sa kidney?

Kahit sino ay maaaring magkaroon ng problema sa kidney, mas tumataas ang posibilidad kung mayroong:

Sintomas ng sakit sa kidney

  • Diabetes;
  • Mahirap na pagkontrol ng altapresyon;
  • Kung mayroon sa pamilya na may sakit sa bato, diabetes, at mataas na presyon;
  • Matagal na panahong pagtatabako o paninigarilyo, labis na katabaan at matatanda (60 taon gulang pataas);
  • Matagalang pag-inom ng mga gamot na pampawala ng sakit tulad ng non-steroidal, anti-inflammatory drugs gaya ng ibuprofen, naproxen; at
  • Mula sa pagkabata ay may problema na sa daanan ng ihi.

Maaaring makatulong sa agarang pagtukoy at pag-alam sa sakit sa bato kung ang mga taong nabibilang sa mga ito ay nasusuri nang maaga at maayos.

Paano nalalaman kung mayroong problema sa kidney? Ano ang mga pagsusuri na kalimitang ginagawa?

Upang malaman kung mayroong problema sa kidney, ang manggagamot ay kumukuha ng detalyadong salaysay, masusing pagsusuri ng tao, kinukunan ng presyon, at pinapayuhan ng nararapat na eksaminasyon. Pangkaraniwang mga pagsusuri na kinakailangan ay mga eksaminasyon ng ihi, dugo, at mga radiologic test.

1. Eksaminasyon ng Ihi

Ang iba’t ibang eksaminasyon sa ihi ay nakapagbibigay ng palatandaan upang malaman ang maraming uri ng sakit sa kidney. Pagsusuri ng Ihi o Urinalysis

  • Ito ay simple, mura, at pinakamabisang paraan upang malaman kung may problema sa ihi na maaaring senyales na may sakit sa bato;
  • Anumang problema na nakita sa pagsusuri ng ihi ay makapagbibigay ng importanteng sintomas ng sakit sa bato, ngunit hindi masasabi na ligtas sa sakit sa bato kapag ang isang pagsusuri ng ihi ay normal;
  • Ang protina (protein) sa ihi ay nakikita sa maraming uri ng sakit sa kidney na hindi dapat ipagwalang-bahala. Ang protina sa ihi ay maaaring pangunahin at nag-iisang palatandaan ng pinsala o sakit sa kidney (kahit sa sakit sa puso). Ang protina sa ihi ang pangunahing senyales na apektado ang kidney ng mga pasyenteng may diabetes;
  • Ang nana sa ihi ay maaaring dahil sa impeksiyon sa ihi o UTI; at
  • Ang protina at dugo sa ihi ay maaaring palatandaan ng namamagang uri ng sakit sa bato o inflammatory kidney disease na kung tawagin ay ‘glomerulonephritis.’

Microalbuminuria

Ito ay pagkakaroon ng kakaunting protina sa ihi at ang pinakaunang eksaminasyon upang makita kung apektado ang kidney ng isang taong may sakit na diabetes.

Mahalagang makita ito dahil maaaring maagapan habang maaga ang sakit sa bato sa ganitong sitwasyon.

Iba pang pagsusuri sa ihi

  • 24 hour urine para sa protina: Sa mga pasyenteng may protina sa ihi sa urinalysis, dapat na malaman kung ilan ang dami ng protinang natatapon sa ihi sa loob ng 24 oras. Ito ang makapagsasabi kung gaano kalala ang sakit sa bato at ang epekto ng gamot sa antas ng protina sa ihi.
  • Culture at sensitivity: Ito ay mahalaga upang malaman kung anong uri ng mikrobyo ang sanhi ng UTI, at nakalagay rin ang mga antibiotic para magamot ito. Pangkaraniwan lumalabas ang resulta sa loob ng 48-72 oras.
  • Pagsusuri sa ihi para sa acid fast bacilli: Ito ay upang malaman kung mayroong TB sa daanan ng ihi.

2. Pagsusuri sa dugo o blood tests

  • Creatinine at Urea

    Ang eksaminasyong creatinine at urea sa dugo ay makapagsasabi kung ano ang kalagayan ng kidney. Ang creatinine at urea ay dumi na normal na tinatanggal ng bato sa dugo. Kapag ang bato ay humina, tumataas ang antas ng creatinine at urea sa dugo. Ang normal na bilang ng creatinine sa dugo ay 0.9-1.4 mg/dL at ang normal na bilang ng blood urea nitrogen (BUN) ay 20-40 mg/dL. Ang mataas na resulta nito ay maaring mangahulugan na may pinsala ang bato. Ang antas ng creatinine ang mas pinaniniwalaan kaysa sa BUN.

  • Hemoglobin

    Ang malusog na mga kidney ay nakatutulong sa paggawa ng pulang dugo na mayroong hemoglobin. Kapag mababa ang hemoglobin, ito ay anemia na pangkaraniwan at mahalagang sintomas ng chronic kidney disease. Ngunit ang anemia ay makikita rin sa ibang mga sakit kaya hindi ito laging nangangahulugan na may pinsala ang kidney.

  • Iba pang eksaminasyon sa dugo

    Mayroon pang ibang mga eksaminasyon sa dugo na kadalasang ginagawa sa mga pasyenteng mayroong problema sa kidney. Ang mga ito ay: blood sugar, serum albumin, cholesterol, asin (sodium, potassium, at chloride), calcium, phosphorus, bicarbonate, ASO titer, antas ng complement, at iba pa.

3. RadiologicalTest

  • Ultrasound ng mga kidney

    Ang ultrasound ng kidney ay simple, mabilis, at ligtas sa radiation upang malaman ang mahahalagang impormasyon sa bato, tulad ng laki ng bato, kung mayroong cysts, bato sa kidney, at tumor. Maaari ding makita sa ultrasound kung mayroong bara sa daluyan ng ihi. Makikita rin kung maliit na ang sukat ng bato sa ultrasound ng mga pasyente na mayroong ESKD.

  • X-ray ng tiyan

    Ito ay maaaring makapagbigay ng mungkahi kung ang komposisyon ng bato sa kidney ay mula sa calcium.

  • Intravenous urography (IVU)

    IVU o IVP ay isang espesyal na xray test. Itinutusok sa

    ugat ng dugo ang isang radio opaque dye para makita sa xray. Ang dye na ginagamit ay dumaraan sa kidney at inilalabas din sa ihi. Ang daanan ng ihi (kidney, ureter, pantog) ay nakukulayan ng radio opaque dye para makita nang husto ang buong daanan ng ihi. Sunod-sunod na x-ray ang kinukunan sa tiyak na agwat ng oras upang makakuha ng malawak na saklaw ng daanan ng ihi. Nakikita rin sa IVU kung mayroong problema tulad ng bato sa daanan ng ihi na maaaring magdulot ng pagbababara, tumor, at abnormalidad sa estruktura at paggawa ng trabaho ng kidney.

     

    ugat ng dugo ang isang radio opaque dye para makita sa xray. Ang dye na ginagamit ay dumaraan sa kidney at inilalabas din sa ihi. Ang daanan ng ihi (kidney, ureter, pantog) ay nakukulayan ng radio opaque dye para makita nang husto ang buong daanan ng ihi. Sunod-sunod na x-ray ang kinukunan sa tiyak na agwat ng oras upang makakuha ng malawak na saklaw ng daanan ng ihi. Nakikita rin sa IVU kung mayroong problema tulad ng bato sa daanan ng ihi na maaaring magdulot ng pagbababara, tumor, at abnormalidad sa estruktura at paggawa ng trabaho ng kidney.

  • Voiding cystourethrogram (VCUG)

    Ang Voiding cystourethrogram o VCUG (dating tinatawag na‘micturating cystourethrogram’) ay kadalasang ginagamit na eksaminasyon para malaman ang sanhi ng impeksiyon sa ihi o UTI sa mga bata. Sa espesyal na xray na ito, na isinasagawa sa sterile na kondisyon, ang pantog ay pinupunuan ng dye sa pamamagitan ng catheter. Kapag napuno na ng dye ang pantog, inaalis ang catheter at pinapaihi ang pasyente. Sunod-sunod na x-ray ang kinukuha sa tiyak na oras habang umiihi ang kinukunan para makita ang balangkas ng pantog at urethra. Ito ay maaari ding mag bigay ng impormasyon sa pagbalik ng daloy o ‘backflow’ ng ihi sa ureter papunta sa kidney (ang tawag dito ay ‘vesicoureteral reflux’) at para makita rin kung mayroong kakaibang kaayusan ang pantog at urethra.

  • Iba pang radiologic test

    Sa ibang pagkakataon, nangangailangang ipagawa ang CT scan ng kidney at pantog, renal Doppler, radionuclear study, renal angiography, antegrade, at retrograde pyelography upang malaman kung ano ang iba pang problema na dulot ng sakit sa kidney

4. Iba pang mga espesyal na eksaminasyon

Ang kidney biopsy, cystoscopy, at urodynamics ay mga espesyal na eksaminasyon na kinakailangan upang malaman ang eksaktong diagnosis ng ilang sakit sa kidney.

Kidney Biopsy

Ito ay isang mahalagang eksaminasyon upang malaman ang ilang sakit sa kidney tulad ng glomerulonephritis, ilang tubulointerstital diseases, at iba pa.

Ano ang kidney biopsy?

Sa kidney biopsy, kumukuha ng kapirasong laman sa kidney sa pamamagitan ng karayom at tinitingnan ito sa microscope. Ito ay ginagawa upang malaman kung ano ang tiyak na sanhi ng sakit sa kidney gaya ng glomerulonephritis, ilang tubulointerstitial diseases, at iba pa.

Kailan ipinapayo ang pagsasagawa ng kidney biopsy?

Mayroong ilang sakit sa kidney na bagamat nakakuha na ng masusing salaysay, eksaminasyong pisikal, at mga pangkaraniwang pagsusuri, ay hindi pa rin sapat para makakuha ng tamang diagnosis. Sa ganitong mga pasyente, ang kidney biopsy ay maaaring makapagbigay ng karagdagang impormasyon sa tamang diagnosis.

Paano nakatutulong ang kidney biopsy?

Ang kidney biopsy ang nakakapagbigay ng tiyak na diagnosis sa mga hindi maipaliwanag na sakit sa kidney katulad ng glomerulonephritis, ilang tubulointerstital diseases, at iba pa. Ang impormasyon na makukuha sa kidney biopsy ang makatutulong sa manggagamot upang makagawa ng mabisang plano sa kaniyang panggagamot at mabigyan ng kaalaman ang pasyente at ang kanyang pamilya ukol sa kalubhaan at pagbabala (prognosis) sa sakit.

Sa paanong paraan ginagawa ang kidney biopsy?

Ang pangkaraniwang paraan ng paggawa ng kidney biopsy ay ang ‘percutaneous needle biopsy’ (na ginagawa sa loob ng radiology suite), na ang karayom ay itinutusok sa balat papuntang kidney. Ang isa pang paraan sa paggawa nito ay ang tinatawag na ‘open biopsy.’ Ito ay nangangailangan ng operasyon (ginagawa sa operating room).

Paano ginagawa ang kidney biopsy?

  • Ang pasyente ay ina-admit sa hospital at hinihingan ng pahintulot bago gawin ang biopsy;
  • Bago gawin ang biopsy, kinakailangan na malaman ang presyon at eksaminasyon ng dugo kung normal ang pagampat nito. Mayroong mga gamot na dapat na itigil 1-2 linggo bago mag-biopsy tulad ng aspirin at clopidogrel (na ginagamit upang hindi mamuo ang dugo);
  • Ang ultrasound o CT scan ay ginagawa upang matiyak ang lokasyon ng kidney at malaman kung saan itutusok ang karayom para sa biopsy;
  • Pinadarapa ang pasyente, nilalagyan ng unan o tuwalya sa ilalim ng bandang tiyan upang umangat ang lugar kung saan tutusukin. Gising ang pasyente habang ginagawa ito. Sa maliliit na bata, binibigyan sila ng general anesthesia upang sila ay makatulog habang isinasagawa ang biopsy;
  • Nililinis nang maigi ang balat ng lugar ng kukunan ng biopsy at nilalagyan ng local anesthesia upang hindi maramdaman ang sakit;
  • Sa pamamagitan ng karayom o biopsy needle, 2 o 3 piraso na singnipis ng sinulid ang kinukuha sa kidney. Pinapadala ang mga specimen sa pathologist upang masuri;
  • Matapos gawin ang biopsy, dinidiinan ang lugar kung saan kumuha ng biopsy para hindi magdugo. Ang pasyente ay nangangailangan ng bed rest mula 6-12 oras at pinauuwi kinabukasan; at
  • Ang pasyente ay pinapayuhang huwag magbuhat o iwasan ng matinding ehersisyo mula 2 hanggang 4 na linggo matapos ang biopsy.

Ano ang mga maaaring pangamba sa kidney biopsy?

Tulad ng ibang operasyon, maaaring magkaroon ng komplikasyon sa iilang mga pasyente matapos ang kidney biopsy. Mayroong kaunting sakit na nagmumula sa pinagkunan ng biopsy at karaniwang nagkakaroon ng mapulang ihi makatapos ang biopsy ngunit ito ay tumitigil nang kusa. May mga pagkakataong hindi kaagad humihinto ang pagdurugo na minsan na nangangailangan ng pagsalin ng dugo. Mayroon ding mga pagkakataon na hindi kusang humihinto ang pagdurugo na kinakailangang tanggalin ang kidney sa pamamagitan ng operasyon.

Minsan ang nakukuhang laman ng kidney ay hindi sapat para makakuha ng tamang diagnosis (1 sa 20). Sa ganitong pagkakataon, kinakailangang ulitin ang kidney biopsy.