Mga Paniwala tungkol sa Sakit sa Kidney: Tama o Mali? Lahat ng sakit sa kidney ay hindi na gumagaling.
Mali: Hindi lahat ng sakit sa kidney ay hindi na gumagaling. May mga uri ng sakit sa kidney, katulad ng UTI, na madaling gamutin at napagagaling. Ang mahalaga ay maagapan sa pamamagitan ng pagtuklas at paggamot dito upang maiwasan ang tuluyang paglala.
Kahit isang kidney lamang ay may sakit, maaari itong humantong sa “kidney failure” o tuluyang paghina ng parehong kidney.
Mali: Kapag isang kidney lamang ang apektado, hindi ito humahantong sa “kidney failure”. Kadalasan, nananatiling normal ang kidney tests tulad ng BUN at creatinine kapag isang kidney lamang ang may sakit. Kapag ang dalawang kidney ang may pinsala, maaaring mauwi ito sa tuluyang paghina ng kidney function o “kidney failure”.
Kapag may sakit sa kidney, ang pamamanas ay nangangahulugang mahinang-mahina na ang mga kidney (“kidney failure”).
Mali: May mga uri ng sakit sa kidney, tulad ng “nephrotic syndrome,” na mayroong pamamanas sa kabila ng pananatiling normal ang pagtrabaho ng kidney.
Kapag mahina na ang kidney, siguradong mamamanas na ang isang tao.
Mali: Hindi lahat ng taong may “kidney faiure” ay nagmamanas; mayroong kahit mahinang-mahina na ang mga kidney ay hindi pa rin nagmamanas.
Kapag may sakit sa kidney, dapat uminom lagi ng maraming tubig.
Mali: Iyan ay nababatay sa uri ng sakit sa kidney. Sa mga sitwasyon na normal ang pagtatrabaho ng kidney, tulad ng UTI o ‘bato sa kidney’ (kidney stone), maaaring tama ang pag-inom ng maraming tubig. Subalit kung mayroong pagmamanas at mayroon ng pinagbabatayang sakit sa kidney, maaaring makasamâ ang pag- inom ng maraming tubig.
“Wala naman akong nararamdaman, masasabi bang wala akong sakit sa kidney?”
Mali: Hindi lahat ng may sakit sa kidney ay may nararamdaman. May uri ng sakit sa kidney, katulad ng “chronic kidney disease” na walang walang nararamdaman ang isang tao lalo na kung nagsisimula pa lamang ang sakit. Kadalasan, sa urinalysis lamang o sa antas ng creatinine makikita kung may sakit sa kidney.
“Ok naman ang pakiramdam ko; hindi ako kailangang maggamot para sa aking sakit sa kidney”
Mali: Maaaring maganda ang pakiramdam ng karamihan ng mga taong ginagamot para sa sakit sa kidney, subalit hindi ibig sabihing maaari nang itigil ang mga gamot. Ang pagtigil ng gamot ay maaaring mauwi sa mabilis na paglala ng sakit sa kidney, at humantong sa maagang pagdadialysis o kidney transplant. Ang aking blood creatinine level ay mataas lang nang kaunti; wala naman akong nararamdaman kaya walang dapat ikabahala.
Mali: Kahit kaunting taas lang ng creatinine ay maaaring magpahiwatig na ng malubhang sakit sa kidney. Hindi dapat ipagwalang-bahala ang ganito at dapat isangguni agad sa nephrologist.
Sa mga susunod na talata, ipaliliwanag natin ang kahalahagan ng antas ng creatinine sa mga yugto ng CKD.
Ang Chronic Kidney Disease (CKD), ay ang unti-unting panghihina ng mga kidney kapag may sakit ito, na madalas ay walang sintomas lalo na kung nagsisimula pa lamang. Kadalasan, ang pagtaas ng antas ng creatinine ang unang hudyat na humihina na ang mga kidney. Halimbawa, ang pagtaas ng creatinine sa 1.6 mg/dL (kung ang dating creatinine ay 0.8 mg/dL) ay nangangahuhulugang nabawasan na nang kalahati (50%) ang pag-tatrabaho ng mga kidney. Kaya napakahalagang maagang nasusuri at nalalaman ang antas ng creatinine upang malunasan ang ganitong sakit sa kidney habang nagsisimula pa lamang. Ang maagang pagpapatingin sa nephrologist ay makatutulong nang malaki upang maiwasan ang tuluyang paglala ng CKD.
Sa pagdating ng oras na ang antas ng creatinine ay tumaas na sa 5 mg/ dL o higit pa, ito ay nagangahulugan na nabawasan na nang 80% ang pagtatrabaho ng mga kidney. Malala na ang sakit sa kidney kapag nagkaganito, ngunit maaari pa ring makatulong ang mga gamot na maaaring irekomenda ng nephrologist upang mapanatili ang natitirang antas ng pagtatrabaho ng mga kidney. Kapag patuloy pa ang pagtaas ng antas ng creatinine, halimbawa, umabot sa 10 mg/dL, ibig sabihin nito ay sadyang mahinangmahina na ang mga kidney. Ito ang tinatawag na “End Stage Kidney Disease/ End-Stage Renal Disease” (ESKD/ ESRD). Wala ng gamot na makatutulong dito at mangangailangan na ang pasyente ng dialysis o kidney transplant.
Kapag sumailalim na sa dialysis ang isang pasyente, siguradong panghabambuhay na ito.
Mali: Ang pangangailangan ng dialysis ay maaaring panandalian lamang o panghabambuhay; ito ay nababatay sa uri ng “kidney failure”.
Kapag nagkaroon ng tinatawag na “Acute Kidney Failure”, maaaring humina nang husto ang mga kidney at mangangailangan ng pansamantalang pagdadialysis. May mga pagkakataon na maaaring gumaling pa rin ang sakit sa kidney at matigil ang dialysis.
Samantala, ang Chronic Kidney Disease ay maaaring humantong sa tuluyang paghina ng mga kidney at ang pagdadialysis ay panghabambuhay na.
Kapag sumailalim na sa dialysis ang isang pasyenteng may ESKD, gagaling na ang kaniyang sakit sa kidney.
Mali: Ang dialysis ay HINDI nagsisilbing gamot para sa sakit sa kidney. Kapag humantong sa ESKD, hindi na nagagampanan ng mga kidney ang normal na paglilinis ng dugo at paglalabas ng labis na tubig sa katawan at lason o toxin. Ang dialysis ay pantulong sa mga kidney, upang maituloy ang paglilinis ng dugo at pagtatanggal ng labis na tubig. Nakapagpapahaba rin ng buhay ang dialysis.
Sa kidney transplant, hindi maaaring mag-donate ng kidney ang lalaki sa babae, o ang babae sa lalaki.
Mali: Maaaring mag-donate ng kidney ang isang lalaki sa babae o babae sa lalaki. Walang kinalaman ang kasarian sa pagdo-donate; walang pinagkaiba ang kidney ng lalaki sa babae.
Ngayong normal na ang aking presyon, hindi ko na kailangang ipagpatuloy ang aking gamot. Mas maganda naman ang pakiramdam ko kapag hindi uminom ng gamot, bakit pa ako kailangang uminom?
Mali: Hindi dapat itigil ang pang-araw-araw na gamot para sa altapresyon. Kapag itinigil ito, maaaring biglang tumaas ang presyon at mauwi sa mga iba’t ibang komplikasyon tulad ng stroke, atake sa puso o paghina ng mga kidney.
Ang mga lalaki lamang ay may kidney na nasa ilalim ng ari.
Mali: Ang mga lalaki at babae ay karaniwang parehong may dalawang kidney, na nasa loob, at bandang likod ng tiyan. Ang bayag ng isang lalaki ang pinagmumulan ng semilya.