Ang sintomas ng sakit sa kidney ay maaaring may pagkakaiba sa bawat tao. Ito ay depende kung ano pa ang ibang sakit ng pasyente at kung gaano ito kalubha. Ang mga sintomas ay karaniwang hindi malinaw at di-tukoy kaya’t ang sakit sa kidney ay mahirap tukuyin sa simula.
Mga pangkaraniwang sintomas ng mga sakit sa kidney
- Pamamaga ng mukha
Ang pamamaga ng mukha, tiyan, at paa ay pangkaraniwang nakikita sa may sakit sa bato. Isang halimbawa ng pamamaga na dulot ng sakit sa kidney ay ang pamamaga ng talukap ng mata na karaniwang napapansin sa umaga (periorbital edema). Ang pagkasira ng kidney o kidney failure ay pangkaraniwan at mahalagang dahilan ng pamamaga ngunit dapat tandaan na hindi lahat ng pamamaga ay dulot ng kidney failure. Maaaring makakita ng pamamaga kahit normal ang trabaho ng kidney. Isang halimbawa nito ay sa mga may nephrotic syndrome. Mahalaga rin na maintindihan na hindi lahat ng mayroon ng pagkasira ng kidney o kidney failure ay nagkakaroon ng pamamaga.
- Walang gana sa pagkain, naduduwal, at nagsusuka
Walang gana sa pagkain, kakaibang panlasa, at kaunti ang kain ay mga pangkaraniwang problema ng mga táong mayroong kidney failure. Habang lumalala ang sakit sa kidney, dumarami ang antas ng mga toxin o lason at ito ay nagdudulot ng sintomas tulad ng pagkaduwal, pagsusuka, at kung minsan pagsisinok.
- Mataas na presyon o altapresyon
Pangkaraniwan sa mga pasyente na may kidney failure ang mataas na presyon. Kung ang mataas na presyon ay makikita sa
- Pamumutla at panghihina
Panghihina ng buong katawan, mabilis na pagkapagod, hirap makapag-isip nang malalim, at pamumutla ay mga pangkaraniwang idinaraing ng mga táong may anemia o maputla ang dugo. Minsan, ang mga ito lamang ang mga daing ng táong may sakit sa bato na matagal na o chronic kidney disease. Kung ang pamumutla ay hindi gumagaling sa pangkaraniwang gamutan, mahalagang maimbestigahan kung ito ay dulot ng kidney failure.
- Mga hindi matukoy na karaingan
Ang pananakit ng likod at mga kalamnan, pangangati, at pamumulikat ng binti ay kadalasang idinaraing din ng mga taong may sakit sa bato. Pagbagal ng paglaki, kakulangan sa tangkad, at pagiging sakang ay pangkaraniwan sa mga bata na mayroong kidney failure.
- Daing sa pag ihi
Karaniwang daing sa pag ihi ay:
- Kaunting ihi ay pangkaraniwan sa iba’t ibang sakit sa bato.
- Mahapdi ang pag-ihi, malimit na pag-ihi, at pag-ihi ng dugo o nana ay mga sintomas ng impeksiyon sa daanan ng ihi o urinary tract infection (UTI).
- Ang pagbabara sa normal na daloy ng ihi ay maaaring magdulot ng paghirap sa pag ihi o mahinang pagdaloy nito habang umiihi. Maaring tuluyang hindi makaihi ang pasyente kapag higit na matindi ang bara sa daanan ng ihi.
Kahit na mayroong ilan sa mga sintomas na nabanggit ang isang pasyente, hindi nangangahulugan na siya ay may sakit sa bato. Ngunit ang mga sintomas na ito ang makapagsasabi na dapat na kumonsulta sa manggagamot upang matukoy kung ito nga ba ay sakit sa kidney o hindi. Mahalagang malaman na mayroong mga delikadong sakit sa kidney na maaaring matagal na nasa pasyente ngunit walang nararamdaman o walang sintomas.