Patuloy ang pagdami ng bilang ng mga taong nagdurusa sa sakit na diabetes sa Pilipinas at sa buong mundo. Ang pinakamabigat na epekto ng paglobo ng bilang ng mga diabetiko ay ang pagtaas ng bilang ng diabetic kidney disease. Ang pagkakasakit sa kidney ay isa sa pinakamalalang komplikasyon ng diabetis at nagdudulot ng pagkamatay.
Ano ang sakit sa kidney dulot ng diabetes?
Ang palagiang mataas na asukal sa dugo ay pumipinsala ng maliliit na ugat sa kidney ng mga matagal ng diabetiko. Sa pasimula, ang pinsalang ito ang dahilan ng pagtapon ng protina sa ihi. Sinusundan ito ng pagkakaroon ng altapresyon, pagmamanas at mga sintomas ng unti-unting pagpalya ng kidney. Sa kalaunan, ang patuloy na paghina ng mga kidney ay nagdudulot malubhang pagkasira ng mga ito (End Stage Kidney Disease/ End Stage Renal Disease, ESKD/ ESRD). Ang sakit na ito ay tinatawag na sakit sa kidney sanhi ng diabetes o diabetic kidney disease. Diabetic nephropathy naman ang terminong medikal na ginagamit para dito.
Bakit mahalagang malaman na ang sakit sa kidney ay sanhi ng Diabetes?
- Ang bilang ng diabetes sa Pilipinas at sa buong mundo ay mabilis na tumataas. Ang Pilipinas ay isa sa mga bansa sa mundo na nakapagtalâ ng mataas at patuloy pang tumataas na bilang ng mga diabetiko. (WHO, IDF 2015)
- Ang sakit sa kidney sanhi ng diabetes ay ang nangungunang dahilan ng talamak na pagkasira ng kidney.
- Ang diabetes melitus ang may kapanagutan sa 40-45% ng mga bagong kaso ng malubhang pagkasira ng kidney (ESKD).
- Ang halaga ng pagpapagamot ng ESKD ay lubhang mahal at hindi kayang tustusan ng mga pangkaraniwang pasyente sa Pilipinas.
- Sa maagang diagnosis at paggamot, maaaring maiwasan ang sakit sa kidney sanhi ng diabetes. Sa mga diabetiko na napag-alamang may malalang sakit sa kidney, ang magiging paggamot ay maliwanag na nakakapagpaliban sa pagdadialysis at pagpapa-transplant ng kidney.
- Mataas ang banta ng pagkamatay mula sa mga sakit sa puso at daluyan ng dugo (cardiovascular) ng mga pasyenteng may sakit sa kidney sanhi ng diabetes
- Ang maagang diagnosis ng sakit sa kidney sanhi ng diabetes ay lubhang mahalagang pangangailangan.
Ilang Diyabetiko ang nagkakaroon ng sakit sa kidney sanhi ng diabetes?
Mayroong dalawang pangunahing uri ng diabetes at ang bawat isa ay may magkaibang banta sa pagkakaroon ng sakit sa kidney.
Type 1 Diabetes (IDDM – Insulin Dependent Diabetes Mellitus): Ang Type 1 na diabetes ay pangkaraniwang lumalabas sa murang edad at ang insulin ay kinakailangan upang ito ay masupil. Tinatayang 30 – 35% ng may Type 1 na diabetes ang nagkakaroon ng sakit sa kidney.
Type 2 Diabetes (NIDDM – Non-Insulin Dependent Diabetes Mellitus): Ang Type 2 na diabetes ay pangkaraniwang lumalabas sa mga matatanda at halos karamihan ng mga pasyente mayroon nito ay maaaring makontrol kahit hindi gumamit ng insulin. Tinatayang 10 – 40% ng may Type 2 na diabetes ang nagkakaroon ng sakit sa kidney. Ang Type 2 na diabetes ang pangunahing sanhi ng talamak na pagkasira ng kidney (CKD), na siyang dahilan sa mahigit sa isa sa bawat tatlong bagong kaso ng diabetes.
Alin sa mga pasyenteng may diabetes ang magkakaroon ng sakit sa kidney dulot nito?
Mahirap malaman kung alin sa mga pasyente na may diabetes ang magkakaroon ng sakit sa kidney. Ngunit ang mga pangunahing banta sa pagkakaroon nito ay ang sumusunod:
- Type 1 na diabetiko na nagkaroon nito bago pa ang edad 20
- Hindi makontrol na diabetis (mataas na antas ng HbA1c)
- Hindi makontrol na altapresyon
- Mga taong may kapamilyang nagkaroon ng diabetes at malalang sakit sa kidney
- May problema sa paningin (diabetic retinopathy) o pagkasira ng nerbiyo (diabetic neuropathy) dulot ng diabetes
- Pagkakaroon ng protina sa ihi, labis na katabaan (obesity), paninigarilyo, at ang mataas na antas ng kolesterol sa dugo
Kailan magkakaroon ng sakit sa kidney ang mga taong may diabetes?
Maaaring abutin ng mahabang panahon bago magkaroon ng sakit sa kidney sanhi ng diabetes, kaya ito ay madalang mangyari sa unang 10 taon ng pagkakasakit ng diabetes. Ang mga sintomas ng sakit sa kidney ay lumilitaw sa 15 hanggang 20 taon mula na magsimula ang Type 1 na diyabetis. Kung ang isang diabetiko ay hindi nagkaroon ng sakit sa kidney sa loob ng unang 25 taon ng diabetes, ang banta ng pagkakaroon nito ay bumababa.
Kailan dapat maghinala na maaaring may sakit sa kidney na ang isang taong diabetiko?
Ang isang diabetiko ay maaaring paghinalaang may sakit sa kidney kung siya ay kakikitaan ng sumusunod:
- Mabulang ihi o ang pagkakaroon ng albumin o protina sa ihi (nakikita sa maagang yugto)
- Altapresyon o ang paglala ng dati ng altapresyon
- Pagmamanas ng mga bukung-bukong, paa at mukha; ang pagkonti ng dami ng ihi o pagbigat ng timbang (dulot ng pagkaipon ng tubig)
- Pagbaba sa kinakailangang dami ng insulin o gamot para sa diabetes
- Mga nakaraang pagkakataon kung saan madalas na bumababa ang asukal sa dugo. Ang di umano’y kalaunang pag-ayos ng kontrol ng asukal sa dugo gamit ang kasalukuyang dami ng mga gamot sa diabetes na datirati’y hirap kontrolin.
- diabetes na di umano’y nakontrol ng walang gamot. Maraming pasyente ang natutuwa at naipagmamalaki nila ang pagkontrol ng asukal sa dugo sa pag-iisip na sila’y magaling na, ngunit ang malungkot na katotohanan ay ito’y sanhi ng pagkasira na ng kidney. Nagtatagal ang bisa ng mga gamot sa diabetes sa isang taong may pumapalyang kidney.
- Sintomas ng talamak na sakit sa kidney (panghihina, pagkahapo, walang ganang kumain, pagduwal, pagsusuka, pangangati, pamumutla at paghahabol ng hininga) na nakikita sa kalaunang yugto
- Mataas na antas ng creatinine at urea sa dugo
Paano malalaman ang diagnosis ng sakit sa kidney dulot ng diabetesat anong eksaminasyon ang maagang makapagsasabi nito?
Ang dalawang pinakaimportanteng pagsusuri upang mapagalaman na ang isang tao ay may sakit sa kidney sanhi ng diabetes ay ang eksaminasyon ng protina sa ihi at ang pagsukat sa antas ng creatinine sa dugo (pati na eGFR). Ang eksaminasyon ng microalbuminuria ang pamantayang pagsusuri upang malaman sa lalong madaling panahon kung may sakit na sa kidney. Ang susunod na pinakamahusay na pagsusuri ay ang eksaminasyon ng albumin sa ihi gamit ang standard urine dipstick, at ito’y maaaring makasukat ng macroalbuminuria. Ang antas ng creatinine sa dugo (at eGFR) ay sumasalamin sa kakayahan ng mga kidney kung saan ang mataas na creatinine ay nangangahulugan ng malubhang kalagayan ng kidney at ito’y magpapatuloy sa pagakyat sa kalaunang yugto ng sakit sa kidney (karaniwan ito’y matapos magkaroon ng macroalbuminuria).
Ano ang microalbuminuria at macroalbuminuria?
Ang ibig sabihin ng albuminuria ay ang pagkakaroon ng albumin (isang uri ng protina) sa ihi. Ang microalbuminuria ay indikasyon na may kakaunting dami ng protina sa ihi (30 – 300 mg kada araw na albumin sa ihi), na kadalasa’y hindi nababasa ng pangkaraniwang eksaminasyon sa ihi. Ito ay maaari lamang mapag-alaman sa pamamagitan ng espesyal na pagsusuri. Ang macroalbuminuria naman ay indikasyon na marami ng albumin na sa ihi (mahigit 300mg kada araw ng albumin sa ihi), at ito’y maaaring mapagalaman gamit ang pangkaraniwang urine dipstick.
Bakit ang eksaminasyon sa ihi para sa microalbuminuria ang pinakahuwarang pagsusuri upang mapag-alaman kung may sakit sa kidney dulot ng diabetes?
Sapagkat ang pagsusuring ito ay makapagbibigay ng diagnosis ng sakit sa kidney sa lalong madaling panahon. Ang agarang pagkaalam ng sakit sa kidney dulot ng diabetes sa maaga nitong yugto (tinaguriang mapanganib na yugto at incipient stage) ay makapagdudulot ng malaking benepisyo sa mga pasyente, sapagkat ang sakit na ito ay maaari pang maiwasan at mapagaling sa pamamagitan ng maiging gamutan.
Ang eksaminasyon ng microalbuminuria ay maaaring makatuklas ng diabetic nephropathy ng limang taon na mas maaga kaysa pangkaraniwang eksaminasyon sa ihi gamit ang dipstick at ilang taon na mas maaga din bago pa man maging mapanganib ito at magdulot ng mga sintomas o magpakita ng mataas na antas ng creatinine. Dagdag pa rito, ang microalbuminuria rin ay may kakayahang ipagpalagay ang nakaambang panganib ng pagkakaroon ng komplikasyon sa puso at daluyan ng dugo ng mga pasyenteng diabetiko.
Ang kakayahang malaman sa lalong madaling panahon ang pagkakaroon ng microalbuminuria ay makapagbibigay babala sa mga pasyente na maaari silang magkaroon ng nasabing pinangangambahang sakit at makapagbigay ng oportunidad sa mga manggagamot na magamot sila nang mabuti.
Kailan at gaano kadalas dapat magpasuri ng ihi kung ito’y may microalbuminuria ang mga taong diabetiko?
Sa mga taong may Type 1 na diabetes, ang eksaminasyon ng microalbuminuria ay dapat na isagawa limang taon matapos mapag-alaman na sila ay may diabetes at taon-taon magmula roon. Sa mga taong may Type 2 na diabetes, ang eksaminasyon ay dapat gawin kasabay ng pagkakaalam ng kanilang sakit at taon-taon magmula roon.
Paano isinasagawa ang pagsusuri ng microalbuminuria sa ihi sa mga taong diabetiko?
Para sa pagsusuri ng mga may sakit sa kidney sanhi ng diabetes, unang gagawin ang eksaminasyon sa ihi gamit ang pangkaraniwang dipstick. Kung walang protinang matatagpuan, mas tiyak na eksaminasyon ng ihi ang gagawin upang malaman kung mayroon itong microalbuminuria. Ngunit kung may albumin na natagpuan sa ihi sa unang eksaminasyon, hindi na kailangang isagawa ang karagdagang pagsusulit. Ang tamang diagnosis ng sakit sa kidney sanhi ng diabetes ay nangangailangan ng dalawang positibong resulta mula sa tatlong eksaminasyon ng microalbuminuria na isinagawa sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan na pagsusuri kung saan ang pasyente ay walang impeksiyon sa ihi.
Ang tatlong pangkaraniwang pamamaraan na ginagamit upang mapag-alaman kung may microalbuminuria ay ang sumusunod:
Spot urine test: Ang eksaminasyon ay isinasagawa gamit ang isang reagent strip o tablet. Ito ay simpleng paraan na maaaring gawin sa loob ng isang klinika at mura ang halaga. Ngunit dahil ito ay may mababang ganap na kawastuan, ang positibong resulta gamit ang reagent strip o tablet ay dapat kumpirmahin ng eksaminasyon ng ihi gamit ang albumin- o-creatinine ratio.
Albumin-to-creatinine ratio (ACR): Ang eksaminasyong ito sa ihi ang tinuturing na pinakatiyak, maasahan, at eksaktong pamamaraan ng pagsusuri ng microalbuminuria. Ang ACR ay tumatantiya ng kabuoang pagtapon ng albumin sa ihi sa loob ng 24 oras. Ang pagsusuri ng unang labas ng ihi sa umaga na may ACR na 30 – 300mg/ g ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng microalbuminuria (ang normal na ACR ay <30 mg kada gramo). Ngunit dahil sa di kahandaan ng kagamitan at halaga nito, maliit na bilang lamang ng mga pasyente ang nakapagpapasuri gamit ito lalo na sa mga papaunlad pa lamang na mga bansa.
24-hour urine collection sa microalbumin: Ang pagkakaroon ng kabuoang albumin sa ihi na 30 -300mg sa loob ng 24 na oras na pagtitipon ng ihi ay nagpapahiwatig ng pagkakaroon ng microalbuminuria. Sa kabila ng pagiging istandard na paraan sa pagbibigay diagnosis ng microalbuminuria, ito ay mahirap gawin at maliit lamang ang nadaragdag sa ganap na kawastuan o prediksiyon ng sakit.
Paano nakatutulong ang pangkaraniwang eksaminasyon sa ihi gamit ang dipstick sa pagkakaalam ng sakit sa kidney sanhi ng diabetes?
Ang pamantayang eksaminasyon sa ihi gamit ang dipstick (kadalasa’y nagbibigay ng resultang “trace” hanggang 4+) ay ang pangkaraniwang ginagamit na pamamaraan ng karamihan sa pagsiyasat ng protina sa ihi. Sa mga diabetiko, ang eksaminasyong ito ay madali at mabilis na paraan upang malaman kung sila ay may microalbuminuria (albumin sa ihi >300mg kada araw). Ang pagkakaroon ng macroalbuminuria ay nagpapakita ng pagkakaroon ng Stage 4 at malinaw na sakit sa kidney.
Sa pagpapatuloy na pagkasira ng kidney, sinusundan ng macroalbuminuria ang microalbuminuria (Stage 3 – bago at pasimulang sakit sa kidney sanhi ng diabetes), ngunit kadalasa’y nauuna naman ito bago ang mas malalang sira ng kidney tulad ng nephrotic syndrome at ang pagtaas ng antas ng creatinine sa dugo dulot ng talamak ng sira ng kidney (CKD).
Sa kabila ng maagang diagnosis ng mga diabetikong may sakit sa kidney sa pamamagitan ng pagsusuri ng microalbuminuria, ang paggamit nito ay nalilimitahan dahil sa halaga nito at kawalan ng eksaminasyong ito sa ilang papaunlad na bansa. Sa ganitong pagkakataon, ang paggamit ng dipstick sa ihi upang malaman kung may macroalbuminuria na ang kasunod na pinakamabuting paraan sa mga may sakit.
Ang dipstick para sa ihi ay simple at murang pamamaraan at madaling makikita kahit na sa mga maliliit na klinika. Ito ay tinuturing na huwaran at madaling maisasagawa sa mga pagsusuri sa karamihan ng mga diabetikong may sakit sa kidney. Ang masinsinang paggagamot sa ganitong yugto ng sakit sa kidney ay lubhang mabisa at maaaring makapagpaliban sa pangangailan ng agarang dialysis o pagsasailalim sa kidney transplantation.
Paano napag-aalaman ang sakit sa kidney sanhi ng diabetes?
Ideal Method: Ang taunang pagpapasuri ng mga diabetiko ng microalbuminuria sa ihi at pagsukat antas ng creatinine sa dugo (pati na eGFR).
Practical Method: Ang pagkuha ng presyon ng dugo at eksaminasyon sa ihi gamit ang dipstick kada tatlong buwan; at ang taunang pagsukat sa antas ng creatinine sa dugo (pati na eGFR) sa lahat ng mga diabetiko. Ang pamamaraang ito ng pagsusuri ay mura at possible kahit sa mga maliliit na bayan ng mga papaunlad na bansa.
Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng sakit sa kidney sanhi ng diabetes?
Ang sumusunod ay mahahalagang paalala upang maiwasan ang pagkakasakit sa kidney sanhi ng diabetes:
- Regular na pagpapakonsulta sa manggagamot
- Magtamo ng maayos na kontrol ng asukal sa dugo. Panatilihin ang antas ng HbA1c ng hindi hihigit sa 7%
- Panatilihin ang presyon ng dugo na mababa sa 130/80. Ang mga gamot sa altapresyon tulad ng mga angiotensinconverting enzyme (ACE) inhibitors o angiotensin receptor blockers (ARBs) ay dapat gamitin upang makontrol ang altapresyon at makatulong sa pagpapababa ng pagtapon ng albumin sa ihi.
- Magtakda ng limitasyon sa pagkain ng mga matamis at maalat na pagkain. Kumain ng mga pagkaing mababa sa protina, kolesterol, at matataba.
- Ipasuri ang mga kidney ng di bababa sa isang beses sa isang taon gamit ang eksaminasyon ng albumin sa ihi at pagsukat ng antas ng creatinine sa dugo (pati na eGFR).
- Ibang pamamaraan: Regular na mag-ehersisyo at panatilihin ang tamang timbang. Iwasan ang pag-inom ng alak, paninigarilyo at ang walang habas na paggamit ng painkillers.
Pamamaraan ng paggamot sa sakit sa kidney sanhi ng diabetes
- Siguruhin ang tamang kontrol ng diabetes
- Ang maiging pagkontrol ng presyon ng dugo ang pinakamahalagang hakbang upang maprotektahan ang mga kidney. Ang pagkuha ng presyon ng dugo ay dapat isagawa ng regular at panatilihin ng mababa sa 130/80 mmHg. Ang paggagamot sa altapresyon ay nakapagpapabagal sa pagtuloy-tuloy sa talamak na sakit sa kidney.
- Ang angiotensin-converting enzyme (ACE) inhibitors and angiotensin receptor blockers (ARBs) ay mga gamot sa altapresyon na may higit na kapakinabangan para sa mga diyabetiko. Ang mga gamot na ito ay may karagdagang benepisyo na mapabagal ang pagtuloy-tuloy ng sakit sa kidney. Upang makamtan ang pinakamabisang epekto at proteksiyon sa kidney, ang mga gamot na ito ay dapat gamitin sa lalong madaling panahon lalo na sa isang pasyente ay kinakitaan na ng microalbuminuria.
- Upang mabawasan ang pagmamanas ng mukha at mga binti, ang mga gamot na maaaring makapagpaihi (diuretics) ay dapat ibigay kaalinsabay ng paglilimita sa maaalat na pagkain at tubig na iinumin.
- Ang mga diabetikong na may palyadong kidney ay madaling babaan ng asukal sa dugo (hypoglycemia) at nararapat lamang na baguhin o bawasan ang mga gamot sa diabetes. Ang mga short-acting insulin ang higit na tinatangkilik na gamot sa diabetes. Iwasan ang paggamit ng mga tabletang may pangmatagalang epekto sa pagpapababa ng asukal sa dugo (long acting oral hypoglycemic agents). Iwasan ang paggamit ng metformin sa mga pasyenteng may creatinine sa dugo na mahigit sa 1.5mg/dL dahil sa nakaambang panganib ng lactic acidosis.
- Ang mga may sakit sa kidney sanhi ng diabetes na may mataas na antas ng creatinine sa dugo ay dapat sumunod sa lahat ng mga hakbang sa paggamot ng isang pasyenteng may malalang sakit sa kidney (tinalakay sa Kabanata 12).
- Suriin at masusing sundin ang mga salik na may bantang panganib sa puso at dalyuan ng dugo (paninigarilyo, mataas na antas ng lipids, mataas na asukal sa dugo, altapresyon)
- Ang mga pasyenteng may sakit sa kidney sanhi ng diabetes na nasa yugto ng malala at palyadong kidney ay nangangailangang sumailalim sa dialysis o kidney transplant.
Kailan dapat sumangguni sa manggagamot ang isang pasyente na may sakit sa kidney sanhi ng diabetes?
- Ang mga diabetikong may microalbuminuria ay dapat isangguni sa isang nephrologist. Ang isang diabetikong may sakit sa kidney ay marapat na dagliang magpakonsulta sa manggagamot sa mga pagkakataong:
- Mabilis at hindi maipaliwanag na pagbigat ng timbang, kapuna- punang pagkonti ng dami ng ihi, paglala ng pamamaga ng mukha at pagmamanas ng mga binti at paa o paghirap huminga
- Pagsakit ng dibdib, paglala ng dati ng altapresyon o ang sobrang bagal o mabilis na tibok ng puso
- Panghihina, pagkawala ng ganang kumain, pagsusuka o pamumutla
- Hindi mawalang lagnat, panginginig o pangangatog, masakit at
- mahapding pag-ihi, mabahong amoy ng ihi o bahid ng dugo sa ihi
- Madalas na pagbaba ng asukal sa dugo (hypoglycemia), o mababang dami ng insulin o gamot sa diyabetis
- Pagkaligalig, pagkahilo, kombulsiyon o pangingisay