Ano ang “Acute Kidney Injury” (AKI)?
Ito ang biglaan at pansamantalang paghina ng mga kidney na tumatagal ng ilang oras, araw o linggo. Madalas ay gumagaling din naman mga kidney, at bumabalik sa dating normal na kondisyon.
Ano ang mga sanhi ng AKI?
- Ang biglang kakulangan ng sirkulasyon o pagdaloy ng dugo sa mga kidney, sanhi ng sobrang pagkawala ng tubig sa katawan (halimbawa ay pagsusuka at pagtatae);
- Matinding impeksiyon o komplikasyon ng operasyon;
- Biglang pagbabara sa daluyan ng ihi na ang madalas na sanhi nito ay bato sa kidney (kidney stones);
- Mga iba’t ibang uri ng impeksiyon tulad ng malaria, leptospirosis; kagat ng ahas; komplikasyon ng pagbubuntis; mga gamot na maaaring makaapekto sa kidney tulad ng aminoglycoside antibiotics, gamot panrayuma, (NSAIDs), mga ‘herbals at food supplements.’
Ano ang mga sintomas ng AKI?
Dahil biglaan ang paghina ng mga kidney sa AKI, maaaring maagang magkaroon ng sintomas, tulad ng:
- Mga sintomas ng pinakasanhi ng sakit (halimbawapagdudugo, lagnat at ginaw, pagtatae);
- Biglang paghina o pagkawala ng daloy ng ihi;
- Pamamanas ng mukha, katawan, at mga paa;
- Pagkawala ng ganang kumain, panghihina, pananamlay, pagsusuka, at matinding sinok;
- Pagkahapo o pagkakapos ng hininga, pangangatal at kombulsiyon (“seizures”), pagtulog nang hindi gumigising (“coma”), pagsusuka ng dugo, abnormal na tibok ng puso dulot ngmataas na antas ng‘potassium’ sa dugo; at
- Kapag nagsisimula pa lamang ang AKI, maaaring walang maramdaman ang pasyente. Malalaman lamang na may AKI kung tumatataas ang antas ng BUN at Creatinine sa dugo.
Paano malalaman kung may AKI?
Madalas, maaaring walang maramdaman ang isang tao, lalo na pag nagsisimula pa lamang ito. Malalaman lamang sa pamamagitan ng eksaminasyon ng dugo – tumataas ang antas ng Blood Urea Nitrogen (BUN) at creatinine; eksaminasyon ng ihi (urinalysis); pagsukat ng dami ng ihi, at ‘kidney ultrasound.’
Paggamot sa AKI
Kapag naagapan at tama ang paggagamot sa AKI, maaaring maibalik sa normal ang mga kidney. Ang paggagamot sa AKI ay mayroong 5 tuntunin:
- Alamin at gamutin ang pinakasanhi nito;
- Mga nararapat na gamot;
- Pagkain nang wasto; at
- Dialysis.
1. Alamin at gamutin ang pinakasanhi nito
- Ito ang pinakamahalagang dapat gawin.
- Alamin at gamutin kung ano ang dahilan ng AKI, halimbawa, paggamit ng antibiotics para sa impeksiyon, suwero para sa kakulangan ng tubig o pagbaba ng presyon ng dugo; at paggamit ng sonda kung nagbabara ang paglabas ng ihi.
2. Mga nararapat na gamot
- Kasama rito ang paggamit ng wastong antibiotics para sa impeksiyon at ang pag-iwas sa mga gamot na makasasamâ lalo sa kidney, tulad ng NSAIDs, contrast dye (na ginagamit sa mga Xray procedures)
Maaaring bigyan ng pampa-ihing gamot tulad ng Furosemide, upang mapalakas ang pag-ihi at mabawasan ang pagkahapo o pagkakapos ng hininga, at pagma-manas.
Kung kailangan, ang pagbibigay ng mga gamot laban sa pagsusuka, pampataas o pampababa ng presyon, gamot pambababa ng potassium sa dugo, gamot laban sa kombulsyon (seizures)
3. Wastong pagkain o diet
- Kapag may AKI, kadalasan ay dapat magbawas ng sobrang pag-inom ng tubig upang maiwasan ang pamamanas at pagkahapo o pagkakapos ng hininga.
- Dapat ding umiwas sa mga pagkaing maraming lamang potassium tulad ng mga saging, patatas, kamatis, at mga ‘fruit/ vegetable juices.’ Delikado sa puso kapag sumobra ang taas ng antas ng potassium sa dugo.
- Isa pang dapat sundin ay ang pag-iwas sa sobrang maalat na pagkain na maaaring maging sanhi ng pamamanas.
- Mahalaga rin naman ang pagkain ng mga masustansiyang pagkain.
4. Dialysis
Minsan, kapag matindi ang AKI, lalo na’t kung walang iniihi ang pasyente, maaaring mangailangan ng pansamantalang ‘dialysis.’
Ano ang dialysis?
Ang ‘dialysis’ ay ang paggamit ng artipisyal na pamamaraan upang magampanan ang tungkulin ng kidney kapag ito’y humina na nang husto. Nakasasagip-buhay ang ‘dialysis’ sa mga taong may malalang “kidney falure”.
Mayroong dalawang uri ng dialysis: ang hemodialysis na ang dugo ng pasyente ay dumaraan sa makina upang linisin) at ang peritoneal dialysis na may ipinadadaloy na solusyon sa loob ng tiyan upang linisin ang dugo. Sa pamamagitan ng dialysis, nalilinis ang dugo, natatanggal ang labis na tubig sa katawan, at nababalanse ang asin, mga mineral, at asido sa dugo.
Kailan kailangan ang dialysis kapag may AKI?
Kailangan ang dialysis kapag malala na ang AKI, lalo na kung may mga sintomas o komplikasyon na hindi na kaya ng konserbatibong gamutan. Kadalasan, isinasagawa ang dialysis kung matindi ang pamamanas o pagkahapo o pagkakapos ng hininga, tuluyang tumigil ang pag-ihi, at sobrang taas ng antas potassium at asido sa dugo.
Gaano katagal kinakailangan ang dialysis sa AKI?
Kadalasan, pansamantala lamang ang pangangailangan ng dialysis sa AKI. Ito’y isinasagawa hanggang tuluyang gumaling ang mga kidney.
Ang paggaling ng mga kidney sa AKI ay karaiwang tumatagal ng 1-4 linggo. Hindi dapat ipinagpapaliban ang dialysis sa AKI dahil sa takot o maling akala na ang dialysis ay pangmatagalan o permanente na.
Paano maiiwasan ang AKI?
- Maagang alamin at gamutin ang pinakasanhi ng AKI at ang palagiang pagsubaybay sa kidney function (BUN, Creatinine);
- Huwag hayaang bumaba o bumagsak ang presyon ng dugo. Kailangang malunasan agad ito ng suwero o gamot kung kinakailangan; at
- Umiwas sa mga gamot na maaaring makasamâ lalo sa kidney; agad -agad na gamutin sa impeksiyon.