Ang ‘kidney transplant’ ay resulta ng malaking pagsulong ng medical science. Ang kidney transplant ang tinuturing na pangunahin o pinakapiling lunas sa may sakit sa kidney (kidney failure). Ang matagumpay na kidney transplant ay maaaring magdulot ng mas maayos na kalidad at mas mahabang buhay kumpara sa dialysis. Ang buhay pagkatapos ng matagumpay na transplant ay bumabalik sa halos normal na katulad ng dati.
Ang kabanatang ito ay nahahati sa apat na bahagi:
- Impormasyon Bago ang Kidney Transplant
- Impormasyon Tungkol sa Operasyon sa Transplant
- Impormasyon Tungkol sa Pangangalaga Pagkatapos ng Transplant
- Impormasyon Tungkol sa Cadaveric Donor
Impormasyon bago ang kidney transplant
Ano ang kidney transplant?
Ang ‘kidney transplant’ ay isang operasyon na ang isang malusog na kidney (mula sa living donor o deceased donor ay inililipat o isinasalin sa katawan ng isang pasyenteng may end-stage kidney failure/ end- stage renal disease, ESKD/ ESRD. (recipient).
Kailan kailangan ang kidney transplant?
Ang kidney transplant ay kailangan ng mga pasyenteng may ESKD (mga pasyenteng lubusan nang nasira ang mga kidney) na nagdadialysis, hemodialysis o peritoneal dialysis, o sa mga pasyenteng malapit na sa ESKD (“pre-emptive,” bago lubos na umabot sa punto ng lubos na pagkasira ng kidney).
Kailan hindi kailangan ang kidney transplant?
Ang pasyenteng nagkaroon ng pansamantalang pagpalya ng mga kidney ay hindi kailangan ang transplant. Ito ay hindi rin ginagawa sa mga pasyenteng nasira ang isang kidney ngunit ang kabilang kidney ay gumagana pa. Ang transplant ay isinasagawa lang sa mga pasyente kapag ang kidney ay lubos at tuluyan nang nasira at wala nang pag-asang bumalik sa dating kondisyon.
Bakit kailangan ang kidney transplant pag may ESKD?
Ang dialysis ay pumapalit sa ilan sa mga tungkulin ng mga kidney, tulad ng paglinis o pagsala ng mga dumi o lason (toxin) sa dugo. Subalit ang kakayahan ng mga kidney para gawin ito ay hindi lubos at may ibang mga tungkulin na hindi kayang gawin ng dialysis. Samakatuwid, kapag mayroong maaaring angkop na kidney donor at walang medikal na dahilan na maaaring ikapahamak ng pasyente, ang transplant ang pinakamabuting paraan upang lubos na manumbalik ang kalidad ng buhay at kalusugan na halos katulad ng normal. Dahil dito, ang kidney transplant ay itinuturing na “Gift of Life” o Alay ng Buhay.
Ano ang mga bentahe (advantages) ng kidney transplant?
Ang mga bentahe ng matagumpay na kidney transplant ay ang sumusunod:
- Mas magaling na pagsasaayos ng muling pagtatrabaho ng kidney at mas magandang kalidad ng buhay: Ang pasyente ay maaaring magkaroon ng halos normal at aktibong uri ng pamumuhay na mas produktibo, at may mas mataas na enerhiya at lakas.
- Buhay na malaya sa dialysis: Ang mga pasyente ay nakaiiwas sa mga komplikasyon, gastusin, nawawalang panahon, at mga abala at hirap ng pagdadialysis.
- Mas mahabang buhay: Ang mga pasyenteng nagtransplant ay inaasahang may mas mahabang buhay kompara sa mga taong nananatili sa dialysis.
- Mas kaunting mga bawal at paghihigpit sa pagkain at inumin.
- Mas matipid: Bagama’t sa una ang gastusin sa transplant ay mas mataas, ito ay nababawasan pagdating sa ikalawa o ikatlong taon at kadalasan, ang gastos ay mas lumiliit na, kumpara sa pangangailangan sa pagpapa-dialysis.
- Mayroon din mga pahayag na mas nagiging aktibo ang ’sexual life’ at may mataas na posibilidad na makabuntis para sa mga lalaki at mabuntis naman sa mga babae.
Ano ang mga disbentahe (disadvantages) ng kidney transplantation?
Ang kidney transplantation ay nagdudulot ng maraming bentahe subalit mayroon din mga disbentahe. Ito ay ang sumusunod:
- Panganib na sumailalim sa isang malaki o major na operasyon. Ang kidney transplantation ay isang malaking operasyon na ginagawa na ang pasyente ay pinatutulog sa pamamagitan ng general anesthesia. Ito ay may potensiyal na panganib habang at pagkatapos ng operasyon.
- Panganib ng rejection. Walang lubos o 100% na garantiya na tatanggapin ng katawan ng pasyente ang ipinalit na kidney. Subalit dahil sa mga makabago at mas mabisang mga gamot, ang rejection ay hindi na madalas nangyayari na kasindalas noong dati.
- Pangangailangan ng regular na pag-inom ng gamot. Ang mga pasyenteng na-transplant ay kailangang uminom nang tuloy-tuloy, ng mga gamot na pumipigil na magkaroon ng rejection (immunosuppressive medicines) habang ang kanilang kidney ay gumagana. Ang paghinto, pagliban o pagbawas sa tamang bilang ng gamot ay magdadala ng panganib na ang kidney na ipinalit ay masira dahil sa rejection.
- Panganib sa pag-inom ng mga immunosuppresive drugs. Ang mga gamot na pumipigil sa rejection ay may epekto na nagpapababa ng immune system. Ang epektong ito ay maaaring dapuan ng matinding impeksiyon ang pasyente. Ang maingat na pangagalaga para makaiwas sa impeksiyon at ang pag-screen sa potential na magkaroon ng kanser ay kabahagi ng tamang pag-aalaga pagkatapos ng transplant. May mga side-effect din ang ibang gamot na maaaring magdulot ng altapresyon (high blood pressure), mataas na level ng cholesterol at sugar o asukal sa dugo.
- Stress. Ang paghihintay ng donor bago ma-transplant, ang pag-aalala sa tagumpay ng operasyon at ang pangamba na masira o mag-fail ang bagong lagay na kidney ay nadudulot ng matinding pagkabahala sa pasyente.
- Mataas na paunang gastusin
Ano ang mga dahilan kung bakit hindi maaaring gawin ang kidney transplant?
- Ang kidney transplant ay inirerekomenda na hindi gawin kapag ang pasyenteng may kidney failure ay may:
- Malubhang aktibong impeksiyon
- Aktibong kanser na hindi nagamot
- Matinding problema sa pag-iisip o may ‘mental retardation’ ‘Unstable’ na sakit sa puso
- Pabalik-balik na heart failure
- Matinding sakit sa mga ugat
- ‘Antibodies’ (elemento sa dugo ng pasyente na nagbibigay ng mataas na panganib ng ‘rejection’ sa kidney na kukunin mula sa donor
- Iba pang mga malubhang medikal na karamdaman
Ano ang ‘age limit’ upang maging isang kidney transplant recipient?
Bagama’t walang mahigpit na mga batayan para sa edad ng kidney transplant recipient, kaugalian nang inirerekomenda ito sa mga pasyenteng may edad na lima (5) hanggang animnapu at lima (65).
Ano ang maaaring panggalingan ng kidney transplant?
May tatlong maaaring panggalingan ng kidney para sa transplant:
- Living Related Donors: mga kamag-anak na kadugo ng pasyente hanggang sa 4th degree ng relasyon sa dugo
- Living Non-Related Donors: katulad ng kaibigan, asawa, o kamag-aral
- Deceased (Cadaver) Donors: mga biktima ng ‘Brain Death”
Sino ang ulirang (ideal) kidney donor?
Ang identical twin ay isang ideal na kidney donor na may pinakamataas na tsansa ng ‘survival’ pagkatapos ng transplantation.
Sino ang maaaring mag-donate ng kidney?
Ang isang malusog na tao ay maaaring mag-donate ng isang kidney kapag ang ‘blood type’, ‘tissue type’ at ‘tissue crossmatching’ ay akma o ‘compatible’ sa recipient. Ang donor ay kailangang nasa edad mula 18 hanggang 65 taong gulang.
Paano nalalaman ang angkop na kidney donor batay sa ‘blood group?’
Ang pagiging compatible sa blood group ay mahalaga sa kidney transplantation. Ang pasyenteng tatanggap (recipient) ay kailangang may kaparehas na blood type o compatible na blood type. Katulad ng blood transfusion o pagsalin ng dugo, ang tao na blood type O ay ipinagpapalagay na “universal donor” o maaaring maging donor sa kahit anong blood type.
Recipient’s blood group |
Donor’s blood group |
o |
o |
A |
A or O |
B |
B or O |
AB |
AB, A, B or O |
Sino ang hindi maaaring mag-donate ng kidney?
Ang “living donor” ay kailangang mahigpit na suriin hindi lang sa medikal kundi pati na rin sa sikolohikal na aspekto upang matiyak na ligtas para sa kanya ang magbigay ng kidney. Ang isang tao ay hindi maaaring mag-donate kapag siya ay may diabetes, kanser, HIV, sakit sa kidney, high blood pressure o kaya malubhang medikal na sakit o sakit sa pag- iisip (psychiatric illness).
Ano ang maaaring mga panganib sa ‘living donor?’
Ang potensiyal na donor ay sinusuring mabuti upang tiyaking ligtas sa kaniya na magbigay ng kidney. Maaaring mamuhay nang malusog at normal ang donor kahit iisa lamang ang kaniyang kidney. Pagkakatapos ng pag-donate ng kidney, ang sexual life ay hndi apektado. Ang babaeng nag-donate ay maaaring magkaroon ng mga anak samantalang, ang mga lalaki na nag-donate ay maaari din makabuntis at maging ama.
Ang potensiyal na panganib sa operasyon sa pagdo-donate ng kidney ay katulad ng mga ibang klaseng operasyon. Ang panganib na magkaroon ng sakit sa kidney ay hindi tumataas bagamat iisa lang ang kanyang kidney.
Ano ang paired kidney donation?
Ang kidney transplantation na may living donor ay may mga bentahe kumpara sa transplant mula sa deceased donor o kaya sa dialysis. Maraming pasyente na may end stage kidney disease ay may gustong makatanggap ng kidney subalit ang mahirap lutasin ay ang usapin sa pagiging compatible ng blood group at ng crossmatch.
Ang ‘paired kidney donation’ o ang ‘live donor kidney exchange’, “living donor swap” o”kidney swap” ay isang estratehiyang pinahihintulutan ang pagpapalitan ng dalawang pares ng kidney donor at recipient na hindi compatible para bumuo ng dalawang pares na kidney donor at recipient na compatible. Ang “swap” ay maaaring gawin kapag ang pangalawang donor ay ‘compatible’ sa unang recipient at ang unang donor ay compatible sa pangalawang recipient (pinapakita sa itaas). Sa pamamagitan ng pagpapalitan ng kidney, para sa dalawang hindi makatugma na donor-recipient na pares, ang dalawang transplant ay maaaring gawin.
Ano ang pre-emptive kidney transplant?
Ang kidney transplant ay karaniwang isinasagawa sa panahong ang pasyente ay nasa dialysis na. Ang kidney transplant (KT) ay maaari ding isagawa bago pa mag-umpisa ng regular na dialysis kapag ang ‘kidney function’ ay mababa na sa 20 ml/min. Ito ay tinatawag na pre-emptive kidney transplant. Ang pre-emptive KT ay itinuturing na pinakamagaling na lunas sa maysakit sa kidney na may maayos na kondisyong medikal, sapagkat hindi lang nito maiiwasan ang mga panganib, gastusin, at hirap ng pagdadialysis kundi ipinagpapalagay na nagkakaroon ng mas maayos na pangmatagalang kondisyon ang isinaling kidney, kompara sa transplant na isinagawa pagkatapos na nakapag-umpisa na at regular nang nagdadialysis. Dahil sa mga benepisyong ito, ang pasyenteng may sakit sa kidney ay mariing pinapayuhan na pagisipan ang pre-emptive transplantation kung may angkop na donor.
Transplant surgery
Paano isinasagawa ang operasyon sa pagsasalin ng kidney?
- Bago isagawa ang operasyon, ang medical, psychological, at social na pagsusuri ay isinasagawa para matiyak ang kaligtasan ng recipient at ng donor (sa living transplant). Ang pagsusuri ay para tiyakin din ang maayos na blood group at HLA matching at ang crossmatching nila.
- Ang kidney transplant ay magkakatuwang na gawain ng nephrologist, transplant surgeon, pathologist, anesthesiologist, at mga supporting medical staff (cardiologist, endocrinologist, atbp) at nursing staff, kasama ang transplant coordinators.
- Pagkatapos ng matiyagang pagpapaliwanag tungkol sa proseso ng kidney transplant, ang maingat na pagbasa ng kasulatan ng pahintulot (informed consent), ang pormal na pagkuha ng pahintulot ng recipient, at ng donor (sa living kidney donation) ay isinasagawa.
- Sa operasyon ng living donor transplant, ang operasyon ng recipient, at ng donor ay magkasabay na isinasagawa.
- Ang mahalagang operasyong ito ay nagtatagal ng tinatayang 3 hanggang 5 oras. Ang operasyon ay isinasagawa sa ilalim ng general anesthesia.
- Sa operasyon ng living donor kidney transplant, karaniwang kaliwang kidney ang kinukuha sa donor sa pamamagitan ng regular na open surgery (may mas malaking hiwa sa tagiliran) o kaya laparoscopy ( mas maliit na butas sa may puson). Pagkatapos na makuha, ang kidney ay hinuhugasan gamit ang espesyal na malamig na solusyon at pagkatapos ay inilalalagay sa ibabang kanang bahagi ng tiyan ng recipient.
- Sa halos lahat ng mga pasyente, ang luma at sirang mga kidney ay hindi na tinatanggal.
- Kapag ang pinanggagalingan ng kidney ay buhay na donor, ang isinalin na kidney ay kadalasang kaagad na gumagana. Subalit kung ang pinanggalingan ng kidney ay deceased donor, ang isinalin na kidney ay maaaring hindi kaagad gumana sa loob ng mga ilang araw o linggo. Ang recipient na hindi agad gumagana ang kidney ay mangangailangan muna ng dialysis hanggang maging sapat ang kidney function ng kidney na ipinalit. Pagkatapos ng transplant, ang nephrologist ang sumusubaybay sa kondisyon at gamot ng recipient. Ang donor ay kailangan din mahigpit at regular na bantayan kung may mga problemang medikal na maaaring mangyari.
Pangangalaga pagkatapos ng kidney transplant
Ano ang mga maaaring mangyari pagkatapos ng kidney transplant?
Ang mga karaniwang komplikasyon na maaaring makita pagkatapos ng transplant ay ang sumusunod: ‘rejection,’ impeksiyon, mga side effect ng mga gamot na iniinom at mga komplikasyon ng operasyon. Ang mga mahalagang aspekto sa pangangalaga sa post-transplant ay:
- Post-transplant na mga gamot at kidney rejection
- Mga pag-iingat upang mapanatiling malusog ang isinaling kidney at maiwasan sa impeksiyon
Mga gamot pagkatapos ng kidney transplant at kidney rejection Ano ang pagkakaiba sa pangangalaga ng pasyente matapos ang operasyon ng kidney transplant kumpara sa ibang pasyente na sumailalim ng ibang karaniwang operasyon?
Sa mga sumailalim ng regular na operasyon, pangkaraniwan ang rekomendasyon ng masusing pangangalaga (kasama ang pag-inom ng mga medisina, tulad ng antibyotiko) sa susunod na 7-10 araw. Sa kabilang dako, sa mga nakatanggap ng kidney transplant, habambuhay na mga medisina at pangangalaga ang kinakailangan.
Ano ang kidney rejection?
Ang immune system ng katawan ay nakadisenyo na kilalanin at puksain o sirain ang mga protina at ‘antigens’ katulad ng mga nakakasakit na bacteria at mga virus. Kapag ang immune system ng recipient ay nakakilala na ang kidney na isinalin ay hindi bahagi ng kaniyang sarili, inaatake nito ang kidney ipinalit at sinusubukang sirain.
Itong pag-atake ng natural na depensa ng katawan sa kidney ay tinatawag na ‘rejection’. Ito ay nangyayari kung ang ipinalit na kidney ay hindi tinatanggap na bahagi ng katawan ng recipient.
Kailan karaniwang nangyayari ang kidney rejection at ano ang maaring kahantungan nito?
Ang rejection ng kidney ay maaaring mangyari kahit kailan pakatapos ng transplant, higit lalo sa unang anim na buwan pakatapos ng transplant. Subalit ang tindi ng rejection ay naiiba sa bawat pasyente. Karamihan sa mga rejection ay mahina at madaling gamutin sa pamamagitan ng tamang immunosuppression therapy. Sa ilang mga pasyente ang rejection ay maaaring maging matindi at hindi sa kabila ng tamang panggagamot at sa kalaunan ay tuluyan nang sinisira ang ipinalit na kidney.
Ano ang mga gamot na kailangang inumin ng mga pasyente matapos ang kidney transplant upang maiwasan ang kidney rejection?
- Dahil sa immune system ng katawan, ang posibilidad na mangyari ang rejection sa isinaling kidney ay hindi lubusang nawawala.
- Kapag ang immune system ng katawan ay pinipigilan, ang panganib ng rejection ay nababawasan. Subalit dahil sa pagpigil na ito sa immune system, nagiging mahina ang resistensiya ng katawan para labanan ang matitinding klase ng impeksiyon.
- Pagkatapos ng kidney transplantation, ang mga pasyente ay binibigyan ng espesyal na mga klase ng gamot na nagbabago o nakapipigil ng immune system para maiwasan ang rejection.
Ang mga espesyal o kakaibang mga gamot na ito ay tinatawag na immunosuppressive drugs.
Sa ngayon, ang mga pinakamadalas na immunosuppressive drugs na ginagamit ay tacrolimus, mycophenolate mofetil (MMF), sirolimus/ everolimus at prednisolone o prednisone.
Hanggang kalian kailangan uminom ng immunosuppressive drugs?
Ang immunosuppressive drugs ay kinakailangang inumin ng panghabambuhay, hangga’t ang kidney na isinalin ay gumagana. Pagkatapos ng transplant, ilang klaseng mga gamot ang kailangang inumin, ngunit ang dami at ang dosage ay nababawasan habang lumalaon. Ang mga gamot sa kidney transplant ay kinakailangang inumin sa panghabambuhay upang maiwasan na ma-reject ang kidney na isinalin.
Mangangailangan pa ba ng ibang mga gamot pagkatapos ng kidney transplant?
Oo. Pagkatapos ng transplant, maliban sa mga gamot laban sa rejection ng kidney, ang mga gamot sa alta presyon, calcium, at mga gamot para gamutin o pigilan ang impeksiyon, gamot laban sa ulcer ay maaaring ibigay.
Ano ang mga karaniwang side-effects ng mga immunosuppressive drugs?
Mga tuntunin para mapangalagaaan ang kidney transplant Ang matagumpay na transplant ay nagdudulot ng panibago, normal, at malayang buhay, subalit ang pasyente ay kailangang may disiplinadong pamumuhay at nagiging maingat upang maalagaan ang isinaling kidney at maiwasan ang mga impeksiyon. Siya ay dapat maging masunurin at umiinom ng mga gamot ng regular at walang palya ayon sa inireseta.
- Huwag kailanman ihihinto ang mga gamot o kaya babaguhin ang itinalagang dosage ng mga gamot. Tandaan na ang iregular, pag-iiba ng bilang o paghinto ng paginom ng gamot ay ilan sa mga pinakamadalas na dahilan ng pagkasira ng kidney na ipinalit.
- Laging magtago ng listahan at siguruhing palaging may sapat na itinatabing stock ng gamot. Huwag iinom ng mga gamot na walang reseta at mga herbal na mga produktong panlunas.
- Kunin at maglista ng blood pressure, sukat ng ihi, temperatura, at blood sugar (kapag sinabi ng manggagamot) araw-araw.
- Ang regular na check-up at pagpapagawa ng laboratory test ay kinakailangan gawin ayon sa itinalaga ng manggagamot.
- Magpagawa ng laboratory test sa kilala at maaasahang laboratoryo lamang. Kapag ang mga resulta ng mga laboratory test ay hindi maganda, sa halip na magpalit ng laboratoryo, mas mabuting konsultahin kaagad ang iyong manggagamot.
- Sa sitwasyon ng emergency, kapag kailangang kumonsulta ng manggagamot na hindi alam ang tungkol sa iyong sakit o kalagayan, huwag kakalimutan na ipaalam sa kaniya na ikaw ay transplant recipient at sabihin sa kaniya ang tungkol sa mga gamot na iyong iniinom.
- Mas kaunti ang mga bawal na pagkain pagkatapos ng transplant. Kailangan kumain ng regular at tama sa oras. Ang pasyente ay kailangan kumain ng well-balanced na pagkain na may sapat na itinatalagang calories at protina. Kumain ng mga pagkain na mababa sa alat, asukal at taba, at mataas sa fber para maiwasan ang labis na pagtaas ng timbang. Ang mga susi sa tagumpay pagkatapos ng transplant ay regularidad, pag-iingat at pagiging alerto o mapagbantay sa mga nararamdaman.
- Ang iniinom na tubig ay kailangang sapat upang maiwasan ang dehydration. Ang mga pasyente ay maaaring mangailangan ng hanggang tatlong litro ng tubig, o higit pa bawat araw.
- Mag-ehersisyo nang regular at panatilihing nasa tama ang timbang. Iwasan ang mga mabibigat na gawain at contact sports tulad ng boksing o football.
- Maaaring ibalik ang ligtas na pakikipagtalik pagkatapos ng dalawang buwan, na may pahintulot at payo ng manggagamot.
- Iwasan ang manigarilyo at uminom ng alak.
- Iwasan ang matataong lugar tulad ng sinehan, shopping mall, pampublikong sasakyan, at mga taong may impeksiyon.
- Laging magsuot ng face mask sa mga pampubliko o mapanganib na lugar katulad lugar ng konstruksiyon o may mga naghuhukay, maalikabok na paligid, kuweba, mga lugar na maraming hayop, taniman o mga hardin, at iba pa.
- Laging maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig bago kumain, bago maghanda o uminom ng mga gamot at pagkatapos gumamit ng banyo. Uminom ng pinakulong fltered water.
- Sa unang tatlong buwan pagkatapos ng transplant, kumain ng bagong luto na lutong-bahay at nasa malinis na sisidlan at malinis na kutsara’t tinidor. Iwasang kumain ng mga pagkaing galing sa labas at mga pagkaing hindi luto. Iwasan din na kumain ng mga prutas o gulay na hindi luto sa unang tatlong buwan pagkatapos ng transplant.
- Panatilihin ang kalinisan sa bahay.
- Alagaan nang mabuti ang ngipin sa pamamagitan ng pagsisipilyo dalawang beses sa isang araw.
- Huwag ipagsawalang-bahala ang mga sugat o gasgas. Kaagad itong hugasan ng sabon at tubig at takpan ng malinis na gasa.
- Ipagpaalam kaagad sa manggagamot upang mabigyan ng payo at agarang lunas kapag may bago o kakaibang nararamdaman o obserbasyon upang maprotektahan ang kidney.
Magkonsulta o tawagan ang manggagamot o transplant clinic sa sumusunod na sintomas:
- Lagnat na mahigit sa 100 F o 37.8 C o pakiramdam na parang may trangkaso o flu, o giniginaw, pananakit ng buong katawan o pananakit ng ulo
- Masakit o namumula sa ibabaw o paligid ng kidney
- Kapansin-pansin ang pagkaunti ng ihi, pagmamanas o mabilis na pagbigat ng timbang (mahigit isang kilo sa isang araw)
- May dugo sa ihi or mahapding pag-ihi
- Ubo, pagkahapo o kakapusan ng paghinga, pagsusuka o pagtatae.
- Pagkakaroon ng bago o kakaibang pakiramdam o sintomas
Bakit kakaunti lamang ang pasyenteng may kidney failure na nakakukuha ng kidney transplant?
Ang kidney transplant ay ang pinakamabisa at pinakamagaling na pagpipilian ng pasyenteng may ‘chronic kidney disease - end stage kidney failure’. Maraming mga pasyente ang nangangailangan o nagnanais na magpa-transplant. May tatlong dahilan kung bakit limitado ang prosesong ito.
- Hindi makakuha ng kidney (Unavailability of kidney): Iilan lang ang mga pasyenteng mapalad na makakuha ng kidney, mula sa living/ buhay na donor (kamag-anak o hindi) o mula sa patay (brain dead) /cadaveric donor. Malaking problema ang limitadong bilang ng living donor at ang mahabang pila o ‘waiting list’ sa deceased/ cadaveric donor.
- Pinansiyal / Halaga (Cost): Ang gastusin sa operasyon at sa panghabambuhay na gamot pagkatapos ng transplant ay napakalaki. Ito ay malaking balakid para sa napakaraming pasyente sa mga mahihirap na bansa.
- Kakulangan sa Pasilidad: Ang karamihan sa mahihirap na bansa ay wala o kulang ang pasilidad at kakayahan sa pagsasagawa ng transplant.
Transplant mula sa deceased (cadaveric) donor
Ano ang deceased kidney transplantation?
Ang deceased (cadaver) transplant ay paraan ng paglilipat ng malusog na kidney na nanggagaling sa isang pasyente na “brain dead” ay inililipat sa pasyenteng sira na ang kidney o may ‘end stage renal disease’. Ang kidney ay nanggagaling sa isang tao na naideklara nang ‘brain dead’ na nais mag-donate ng organs mula sa kagustuhan ng pamilya o mismo ng taong nasawi, bago pa siya mamatay.
Bakit kailangan ang deceased kidney transplant?
Dahil sa kakulangan ng living donors, maraming pasyenteng may sakit sa kidney, bagamat nais magpa-transplant ay nananatili sa dialysis. Ang tanging pag-asa ng mga pasyenteng ito ay ang makakuha ng kidney mula sa deceased o cadaver donor. Ang pinakadakilang paglilingkod ng tao ay ang mailigtas ang buhay ng iba sa pamamagitan ng pag-alay ng kanyang ‘organs’ sa oras ng kanyang kamatayan. Ang deceased kidney transplant ay nakatutulong din upang mawala ang ilegal na bentahan ng mga kidney. Ito rin ang pinaka-‘ethical’ na uri ng donasyon ng kidney.
Ano ang ‘Brain Death’?
Ang ‘brain death’ ay ang ganap at ‘irreversible’ na pagtigil ng lahat ng aktibidad ng utak na nagreresulta sa pagkamatay. Ang pag- ‘diagnose’ ng ‘brain death’ ay ginagawa ng mga manggagamot sa mga pasyenteng walang malay o ‘comatose’ at nangangailangan ng aparatong suporta sa paghinga o mechanical ventilator. Mga Batayan sa Pagdeklara ng ‘Brain Death’
- Ang pasyente ay nasa estadong ‘coma’ at ang dahilan ng coma (hal. pagkabagok ng ulo, pagdudugo sa utak, atbp) ay totoo at mariing napatunayan sa pamamagitan ng salaysay o history, medikal na eksaminasyon, resulta ng pagsusuri sa laboratoryo, at mga ’neuroimaging’. May ilang mga gamot katulad ng pampatulog, gamot sa epilepsy, muscle relaxants, anti-depressants, at narcotics), mga metabolic o endocrine na maaaring maging dahilan ng kalagayan na hawig sa brain death. Kailangang matiyak ang mga ito bago ideklarang ‘brain death’. Kailangan ding itama muna ng manggagamot kung may mababang blood pressure, mababang temperatura ng katawan o mababang oxygen bago ideklarang ‘brain death’.
- Pasyenteng nananatiling comatose na wala ng posibilidad ng paggaling kahit ibinigay na ang wastong gamutan sa sapat na panahon.
- Hindi humihinga nang kusa at ang pasyente ay nakaventilator support.
- Ang paghinga, blood pressure, at ang sirkulasyon ng dugo ay napapanatili lang sa tulong ng makina at iba pang mga aparato.
Ano ang pagkakaiba ng ‘brain death’ at ‘unconsciousness’ (walang malay)?
Ang pasyenteng walang malay ay maaari o hindi nangangailangan ng suporta ng aparato sa paghinga at may malaking posibilidad na mag-recover kapag nabigyan ng tamang lunas. Sa pasyenteng may ‘brain death’ ang pinsala sa utak ay malubha at wala nang pag-asang magbalik sa dati at hindi na inaasahang bumuti sa kahit anong klaseng paraan, medikal man o operasyon. Sa pasyenteng may ‘brain death’, sa sandaling isara o patayin ang ventilator, ang paghinga ay tumitigil ang humihinto ang pagtibok ng puso. Mahalagang tandaan na ang pasyente ay maituturing nang legally dead at hindi ang pagtanggal ng ventilator ang dahilan ng pagkamatay. Ang mga pasyenteng ‘brain dead’ ay hindi maaaring manatili sa ventilator nang pangmatagalan, sapagkat hindi katagalan, ang puso ay kusa na ring hihinto.
HINDI. Ang kamatayan ay nangyayari sa sandaling ang puso at ang paghinga ay tuluyan at permanente nang huminto. Katulad sa pagdodonate ng cornea, hindi na rin posible ang mag-donate ng kidney kapag patay na ang pasyente. Sa sandaling huminto ang puso, ang daloy ng dugo sa kidney ay tumitigil na rin. Ito ay nagdudulot ng matindi at permanenteng pinsala sa kidney kung kaya’t hindi na ito maaaring gamitin sa transplant.
Ano ang mga karaniwang dahilan ng ‘brain death?’
Ang mga karaniwang dahilan ng brain death ay pagkabagok ng ulo mula sa pagkahulog o pagkabundol ng sasakyan, pagdurugo sa utak, matinding stroke dahil sa pagbabara ng ugat sa utak at tumor sa utak.
Kailan at paano matutukoy ang ‘brain death?’
Kapag ang pasyente ay nasa malalim na coma, nakakabit sa ventilator, at iba pang life support devices sa mahabang panahon at hindi nakikitaan ng pagbuti ng kalagayang medikal at neurolohikal (kondisyon ng utak), posibleng ‘brain death’ na ito. Ang pagpapasiya ng brain death ay isinasagawa ng pangkat ng mga manggagamot na hindi kasali sa nagsasagawa kidney transplant. Ang pangkat na ito ay kinabibilangan ng attending physician, neurologist o neurosurgeon, na pagkatapos ng kanikaniyang pagsusuri sa pasyente, ay nagdedeklara ng ‘brain death’. Sa pamamagitan ng detalyadong eksaminasyon, iba’t ibang test sa laboratoryo, special na EEG test para sa utak at iba pang mga paraan, lahat ng posibilidad na maaaring maka-recover mula sa matinding pinsala ng utak ay pinag-aaralan. Sa sandaling napatunayan na wala nang pag-asang manumbalik ang aktibidad ng utak, ang ‘brain death’ ay idinedeklara na.
Ano ang mga dahilan kung bakit hindi maaaring mag-donate ng kidney sa pasyenteng may ‘brain death?’
Ang kidney mula sa pasyenteng may brain death ay hindi maaaring tanggapin dahil sa sumusunod:
- Pasyenteng may aktibong impeksiyon.
- Pasyenteng may HIV, Hepatitis B o Hepatitis C
- Pasyenteng matagal nang may altapresyon, diabetes, may sakit sa kidney at may kidney failure.
- Pasyenteng may kanser, maliban kung ito ay brain tumor.
Ano ang organs na maaaring i-donate ng cadaver donors?
Ang mga cadaver donors ay maaaring mag-donate ng dalawang kidneys at makaliligtas ng dalawang buhay. Bukod sa kidney, ang ibang organ na maaaring i-donate ay mata, puso, atay, balat, at iba pa.
Ang isang deceased donor ay maaaring makapagligtas ng buhay ng dalawang pasyenteng may kidney failure sa pagbibigay nya ng kaniyang dalawang kidney.
Sino ang mga kabilang sa pangkat ng deceased kidney transplantation? Para sa deceased kidney transplant, ang teamwork ay kailangan. Ang pangkat ay kinabibilangan ng sumusunod:
- Mga kamag-anak ng deceased kidney donor para sa legal na pahintulot
- Attending Physician ng donor
- Cadaver Transplant Coordinator, na siyang nagpapaliwanag at tumutulong sa mga kamag-anak ng pasyenteng magdo-donate
- Neurologist, nagdadiagnose ng ‘Brain Death’
- Nephrologist, Urologist, Transplant Surgeon
Paano isinasagawa ang kidney transplant?
Ito ay mga mahalagang aspekto ng deceased kidney transplant.
- Ang tamang diagnosis ng ‘brain death’ ay kailangan.
- Kailangan makumpirma na ang mga kidney ay malusog at ang donor ay walang sakit na maaaring hindi payagan ang donasyon
- Ang pahintulot para sa donasyon ay kailangang ibigay ng kamag-anak o taong may legal na karapatan para pagpayag sa donasyon
- Ang donor ay nakakabit sa ventilator at iba pang panglife support na aparato, para mapanatili ang paghinga, pagtibok ng puso, at BP hanggang ang kidney ay tanggalin sa katawan.
- Pagkatapos tanggalin ang kidney, ito ay inilalagay sa solusyong may yelo upang mapanatili ang kondisyon nito. Ang isang deceased donor ay maaaring mag-donate ng dalawa niyang kidney na maaaring magbigay-buhay sa dalawang tao.
- Ang mga karapat-dapat na pasyenteng maaaring tumanggap ng kidney ay pinipili batay sa blood group, HLA matching, at compatibility batay sa crossmatching.
- Mas maganda ang resulta kapag mabilis maisalin sa recipient ang kinuhang kidney mula sa donor. Kinakailangang mailipat sa recipient ang kidney sa loob ng 24 oras pagkatapos tanggalin sa katawan ng donor. Paglampas ng 24 oras hindi na maaaring gamitin ang kidney para sa transplantation.
- Ang proseso ng pag-opera ay pareho sa living at deceased kidney donation.
- Mula sa sandali ng pagka-harvest ng kidney hanggang sa mailipat sa recipient, ang donor kidney ay nagkakaroon ng kaunting pinsala dahil sa kawalan ng oxygen, kawalan ng daloy ng dugo, at pagkakababad sa yelo. Dahil sa pinsalang ito, ang kidney ay maaaring hindi gumana kaagad pagkatapos ng transplant at kung minsan, maaaring kailanganin pang mag-dialysis na pansamantala habang hinihintay na mag-recover at gumana ang kidney
Mayroon bang kabayaran para sa pamilya ng donor?
Wala. Ang pagbibigay ng panibagong pagkakataong mabuhay ay handog na walang katumbas na halaga. Sa paghahandog, ang donor o ang pamilya ng donor ay hindi dapat umasa na tatanggap ng kabayaran na kapalit sa ibinigay na kidney. Hindi rin kailangan ng recipient na magbayad kaninuman. Ang kaligayahan at kasiyahang dulot ng pagtulong na ito ay sapat nang kabayaran sa donor o sa pamilya.