Ang nephrotic syndrome ay isang pangkaraniwang sakit sa kidney na marami ang protinang natatapon sa ihi, mababa ang level ng protina sa dugo, mataas ang kolesterol sa dugo, at pamamanas. Ang sakit na ito ay maaaring mangyari anuman ang edad, ngunit higit na madalas makita sa mga bata kaysa sa mga matanda. Ang resulta sa paggagamot ng nephrotic syndrome ay isang siklo: sa paggaling ng mga sintomas, unti-unting nababawasan ang gamot hanggang sa matigil ito, at may panahong walang gamutan dahil sa pagkawala ng sintomas ngunit maaari itong manumbalik na nagiging sanhi ng pamamanas. Dahil maaaring gumaling at muling magkasakit sa loob ng maraming taon, nakababahala ang sakit na ito para sa bata at sa kaniyang pamilya.
Ano ang nephrotic syndrome?
Ang kidney ay nagsisilbing tagasala sa ating katawan na nagaalis ng mga dumi at labis na tubig sa dugo at inilalabas sa pamamagitan ng ihi. Napakaliit ng butas ng mga pansalang ito kaya sa normal na kondisyon ay hindi lulusot ang mga protinang malaki at hindi sasama sa ihi. Sa nephrotic syndrome, ang mga butas ng mga pansalang ito ay lumalaki kaya nakalulusot ang mga protina at sumasama sa ihi. Dahil sa pagsama ng protina sa ihi, ang antas ng protina sa dugo ay bumababa. Ang pagbaba ng antas ng protina sa dugo ay nagiging sanhi ng pamamanas (ang terminong medikal sa pamamanas na makikita sa mga pasyenteng ito ay edema). Ang tindi ng edema ay nag-iiba depende sa dami ng protinang sumama sa ihi at pagbaba ng antas ng protina sa dugo. Ang kakayahan ng kidney na magsala ng dumi (glomerular fltration rate) ay normal sa karamihan ng mga pasyenteng may nephrotic syndrome. Ang pinakamahalagang sanhi ng paulit-ulit na pamamanas sa mga bata ay nephrotic syndrome.
Ano ang mga sanhi ng nephrotic syndrome?
Sa mahigit 90% ng mga bata, ang sanhi ng nephrotic syndrome (tinatawag na primary o idiopathic nephrotic syndrome) ay hindi malaman. Ang Primary Nephrotic Syndrome ay sanhi ng apat na uring patolohikal: minimal change disease (MCD), focal segmental glomerulosclerosis (FSGS), membranous nephropathy, at membranoproliferative glomerulonephritis (MPGN). Ang primary nephrotic syndrome ay maaari lamang ikonsidera kung ang lahat ng ibang sakit na maaaring magdulot ng nephrotic syndrome ay masusing naimbestigahan at napatunayang negatibo. Hindi hihigit sa 10% ng mga may nephrotic syndrome ay may ibang sakit na pinagmulan (secondary nephrotic syndrome), gaya ng impeksiyon, paggamit ng gamot, kanser, mga namamanang sakit na maaaring makaapekto sa buong katawan tulad ng diabetes, systemic lupus erythematosus, at amyloidosis.
Minimal Change Disease
Ang MCD ang pinakakaraniwang sanhi ng nephrotic syndrome sa mga bata. Ito ay nangyayari sa 90% ng primary nephrotic syndrome sa mga bata edad 5 pababa, at sa 65% ng mga batang mas matanda.
Ang isang batang may MCD ay maaaring may normal na presyon, walang makikitang dugo sa ihi, normal ang level ng “creatinine” at “complement 3” (C3) sa dugo. Sa lahat ng dahilan ng “nephrotic syndrome”, ito ay ang may pinakamalaking tsansa na gumaling gamit ang gamot na “steroids”.
Mga sintomas ng “nephrotic syndrome”
- Ang “nephrotic syndrome” ay maaaring makaapekto sa kahit anong edad, ngunit pinakakaraniwan mula 2 hanggang 8 taong gulang. Mas maraming lalaki ang naaapektuhan nito kaysa babae.
- Ang unang senyales ng “nephrotic syndrome” sa mga bata ay ang pamamanas ng paligid ng mga mata at ng mukha. Dahil dito, maaaring una silang kumonsulta sa isang espesyalista sa mata (ophthalmologist).
- Sa “nephrotic syndrome” ang pamamanas ng mata at mukha ay mas kapansin-pansin sa umaga kaysa sa gabi.
- Habang tumatagal, ang pamamanas ay napapansin na rin sa mga kamay, paa, tiyan, at sa buong katawan na may kaakibat na pagbigat ng timbang.
- Ang pamamanas ay maaaring mangyari matapos ang impeksiyon sa baga at paglalagnat sa karamihan ng mga pasyente.
- Maliban sa pamamanas, ang pasyente ay karaniwang walang ibang iniinda at masigla.
- Ang kakaunting dami ng ihi kaysa sa normal ay karaniwan.
- Mapapansin ang mabulang ihi at pamumuting mantsa sa inidoro dahil sa protina sa ihi.
- Ang mapulang ihi, pagkahapo or pagkakapos ng hininga, at altapresyon ay hindi pangkaraniwan sa “nephrotic syndrome”.
Ano ang mga maaaring kumplikasyon dulot ng “nephrotic syndrome”?
Ang mga posibleng komplikasyon ng “nephrotic syndrome” ay ang sumusunod: mataas na tsansa ng impeksiyon, pamumuo ng dugo sa ugat (deep vein thrombosis), malnutrisyon, kakulangan sa dugo (anemia), sakit sa puso dahil sa mataas na kolesterol sa dugo, pagpalya ng kidney, at iba’t ibang kumplikasyon dala ng matagalang gamutan.
Pagsusuri
A. Mga Panimulang Eksaminasyon
Sa mga pasyenteng may pagmamanas, ang unang dapat na mga ipagawa upang malaman kung “nephrotic syndrome” ang sanhi nito ay mga laboratoryo na mapapatunayan ang sumusunod: mataas na antas ng protina sa ihi, mababang antas ng protina sa dugo (low albumin), at mataas na antas ng kolesterol sa dugo.
1. EksaminasyonsaIhi
- Ang eksaminasyon sa ihi ang unang pagsusuri sa diagnosis ng “nephrotic syndrome”. Ang isang normal na resulta ng eksaminasyon ay nararapat na negatibo sa protina, o kung mayroon man ay kaunti lamang (trace). Kung may 3+ o 4+ na resulta, ito ay maaaring sintomas ng “nephrotic syndrome”. Ang pagkakaroon ng protina sa ihi ay hindi nangangahulugan na kumpirmado na ang “nephrotic syndrome”. May mga karagdagang pagsusuri pa na nararapat gawin upang malinawan ang diagnosis na ito.
- Matapos simulan ang gamutan, ang eksaminasyon ay pinauulit upang maging gabay sa pagresponde ng pasyente sa gamot. Maaaring gumamit ng “dipstick”, isang espesyal na papel na nag-iiba ang kulay kapag isinawsaw sa ihing naglalaman ng protina.
- Kapag sinuri ang ihi sa ilalim ng mikroskopyo, wala halos makikitang pula at puti ng dugo (red blood cells at white blood cells).
- Sa “nephrotic syndrome”, mahigit sa 3.5 gramo ng protina ang natatapon sa ihi sa loob ng buong araw. Ang dami ng protinang natatapon sa ihi sa loob ng 24 oras ay maaaring masukat sa pamamagitan ng “24-hour urine collection” o ang “spot urine protein/ creatinine ratio”. Sa pamamagitan ng mga ito, malalaman kung eksaktong gaano kadami ang natatapon na protina sa ihi. Karagdagan dito, ang pagsukat ng eksaktong antas ng protina sa ihi ay magagamit upang malaman kung nagreresponde sa gamot ang pasyente.
2. Eksaminasyon ng Dugo
- Karaniwan na may mababang level na protina sa dugo (mababa sa 3 g/dL) at mataas ang kolesterol sa dugo ng may “nephrotic syndrome”.
- Ang antas ng “creatinine” sa dugo ay maaaring normal sa “nephrotic syndrome” dulot ng “minimal change disease”, ngunit maaaring mataas sa normal sa mga may mas matinding sira ng kidney tulad ng nephrotic syndrome sanhi ng focal segmental glomerulosclerosis. Ang level ng creatinine sa dugo ay upang malaman ang paglinis ng kidney sa lason sa dugo.
- Ang complete blood count ay maaari ding ipagawa sa mga pasyenteng ito.
B. Mga Karagdagang Pagsusuri
Kapag napatunayan na may nephrotic syndrome ang pasyente, may mga karagdagang pagsusuri na maaaring gawin kung kinakailangan. Mapatutunayan ng mga pagsusuring ito kung may primarya o sekondaryang nephrotic syndrome ang pasyente, at upang malaman kung may kaakibat na komplikasyon ito.
1. Mga Eksaminasyon sa Dugo
- Asukal at asin sa dugo (blood sugar, sodium, potassium, calcium, phosphorous)
- ksaminasyon para sa HIV, hepatitis B, hepatitis C, at sipilis
- Complement studies (C3, C4) at lebel ng Anti-streptolysin O (ASO)
- Antinuclear antibody (ANA), anti–double-stranded DNA antibody, rheumatoid factor, at cryoglobulins
2. Mga Pagsusuring Radiological
- Ultrasound upang malaman ang sukat ng mga kidney, makita kung may bukol, bato sa kidney (kidney stone), o anumang abnormalidad sa anatomiya
- X-ray ng baga upang malaman kung may impeksiyon
Biopsy ng Kidney (Kidney biopsy)
Ang “kidney biopsy” ang pinakaimportanteng eksaminasyon upang malaman ang tiyak na dahilan ng nephrotic syndrome. GInagawa ito gamit ang mahabang karayom at kukuha ng kaunting laman sa kidney upang mapag-aralan sa ilalim ng mikroskopyo sa laboratory.
Lunas
Ang layunin ng pangagamot sa nephrotic syndrome ay upang maibsan ang mga sintomas, mahinto o mabawasan ang pagtatapon ng protina sa ihi, maiwasan at lunasan ang mga komplikasyon, at maalagaan ang mga kidney. Pangmatagalan ang gamutan sa sakit na ito na maaaring umabot ng ilang taon.
1. Mga Gabay sa TamangPagkain
Magkaiba ang gabay sa pagkain ng pasyenteng nagmamanas at ng pasyenteng humupa na ang pagmamanas dahil sa gamutan.
- Sa pasyenteng minamanas:
Bawasan ang pagkain ng asin at maalat na pagkain, upang maiwasang lalong maipon ang tubig sa katawan at lumala ang pagmamanas. Hindi nangangailangan na bawasan ang iniinom na tubig. Ang mga pasyenteng mataas ang level ng iniinom na steroids ay dapat ding magbawas sa pagkain ng maalat kahit hindi sila manas, upang maiwasan na tumaas ang presyon.
Kailangang kumain ng sapat na protina upang mapalitan ang protinang nawawala sa ihi, at upang maiwasan ang malnutrisyon.
Siguraduhin na kumain ng pagkaing sapat sa sustansiya at bitamina.
-
Sa pasyenteng wala nang pagmamanas: Malusog at balanseng pagkain ay nararapat. Iwasang maging pihikan sa pagkain. Hindi kailangang bawasan ang asin at tubig. Huwag masyadong damihan ang protinang kinakain lalo na kung palyado na ang kidney. Dagdagan ang prutas at gulay. Bawasan ang mamantika at matabang pagkain upang makontrol ang level ng kolesterol sa dugo.
2. Mga Gamot
A. Gamot sa nephrotic syndrome
- Steroids: Ang prednisolone ay isang uri ng steroid na karaniwang ginagamit sa nephrotic syndrome. Halos karamihan sa mga bata ay gumagaling dito. Nawawala ang pagmamanas at protina sa ihi sa loob ng 1-4 na linggo (“remission” ang tawag kapag nawala ang protina sa ihi).
- Alternatibong gamot: Ang ibang mga bata na hindi nagreresponde sa steroid ay patuloy na nagtatapon ng protina sa ihi kung kaya mangangailangan sila ng kidney biopsy. Ang mga alternatibong gamot na puwedeng gamitin para sa kanila ay levamisole, cyclophosphamide, cyclosporin, tacrolimus, at mycophenylate mofetil (MMF). Ang mga gamot na ito ay maaaring gamitin kasabay ng steroid upang mapanatili ang emission kapag binaba na ang level ng steroid.
B. Iba pang gamot
- Ang mga pampaihi (diuretics) ay maaaring makadagdag sa dami ng ihi upang mabawasan ang pagmamanas. Kailangan sumangguni sa isang manggagamot sa paggamit nito sapagkat maaaring makaapekto sa gana ng mga kidney kung masobrahan nito.
- Ang ACE inhibitors at angiotensin receptor blockers ay mga gamot sa altapresyon at nakababawas sa pagtatapon ng protina sa ihi.
- Antibiotiko kung may impeksiyon (tulad ng bacterial sepsis, peritonitis, pneumonia).
- Statins (simvastatin, atorvastatin, rosuvastatin) upang mabawasan ang kolesterol sa dugo at maiwasan ang sakit sa puso at mga ugat.
- Mga tabletang may calcium, bitamina D, at zinc.
- Rabeprazole, pantoprazole, omeprazole o ranitidine upang maiwasan ang iritasyon ng sikmura gawa ng paginom ng steroid.
- Hindi ipinapayo na magsalin ng albumin sa suwero sapagkat panandalian lamang ang epekto nito.
- Mga pampalabnaw ng dugo tulad ng warfarin (Coumadin) o heparin ay maaaring kailanganin upang maiwasan ang pagbabara ng dugo sa ugat.
3. Lunas sa mga sakit na nagdulot ng nephrotic syndrome
Kailangang malunasan ang mga sakit na nagdudulot ng secondary nephrotic syndrome tulad ng diabetes, lupus, amyloidosis, at iba pa. Matutugunan lamang ang nephrotic syndrome kung ang mga kondisyong ito ay malulunasan.
4. Mga Pangkalahatang Mungkahi
- Ang “nephrotic syndrome” ay maaaring tumagal ng ilang taon. Kailangang mapaliwanagan ang pasyente at ang kanyang pamilya tungkol sa kanyang sakit at ano ang maaaring kalabasan; ang mga maganda at di magandang puwedeng maidulot ng mga gamot; at ang kahalagahan ng pag-iwas at maagang pagbibigay ng gamot kung may impeksiyon. Kailangang pahalagahan ang ibayong pagiingat sa panahon na aktibo ang sakit (relapse), ngunit itrato ng normal ang bata sa panahong kontrolado ang sakit (remission).
- Kailangan gamutin nang lubusan ang impeksiyon bago magsimula ang gamutan ng steroid sa “nephrotic syndrome”.
- Ang mga batang may “nephrotic syndrome” ay madalas magkaroon ng impeksiyon sa baga at iba pang bahagi ng katawan. Ang pag-iwas, maagang diyagnosis at pagbigay ng sapat na lunas sa impeksiyon ay kailangan sapagkat ang impeksiyon ay maaaring magdulot na maging aktibo muli ang nephrotic syndrome mula sa estadong kontrolado ang sakit.
- Upang maiwasan ang impeksiyon, ang pasyente at kanyang pamilya ay pinapayuhang uminom ng malinis na tubig, maghugas mabuti ng kamay at iwasan ang mga siksikang lugar at pakikisalamuha sa mga taong may sakit.
- Magpabakuna laban sa mga sakit pagkatapos ng gamutan ng steroid.
5. Pagsubaybay at regular na pagsangguni sa manggagamot
- Dahil ang “nephrotic syndrome” ay maaaring tumagal ng maraming taon, mahalaga na magkaroon nang regular na pagsangguni sa mangagamot. Sa pamamagitan nito, maaaring masuri ng mangagamot kung may protina sa ihi; kung may pagbabago sa timbang, presyon, tangkad; at kung may mga di kanais-nais na epekto ang mga gamot o komplikasyon ang sakit.
- Kailangan magtimbang ang pasyente nang madalas at italâ ito. Ang pagtalâ ay makatutulong upang masubaybayan kung may pagbabawas o pagdagdag sa tubig sa katawan.
- Ang pamilya ay kailangang turuan na magsuri ng protina sa ihi sa bahay at italâ ang lahat ng resuta ng eksaminasyon sa ihi, kasama na rin ang lahat ng uri at detalye ng mga ininom na gamot. Makatutulong ito upang maagang malaman kung nagiging aktibo muli ang sakit at upang magamot ito kaagad.
Bakit at paano ibinibigay ang prednisolone sa may nephrotic syndrome?
- Ang kauna-unahang gamot na ginamit sa nephrotic syndrome ay ang prednisolone, isang uri ng steroid, na nagagamot ang sakit at napatitigil ang pagtatapon ng protina sa ihi.
- Ang manggagamot ang magsasabi kung gaano karami, katagal, at paano ibibigay ang prednisolone. Kailangan itong inumin pagkatapos kumain upang maiwasang mairita ang sikmura.
- Sa unang pagkakasakit, binibigay ito sa loob ng 4 na buwan, na hahatiin sa tatlong bahagi. Sa unang bahagi, binbigay ang gamot araw-araw sa loob ng 4-6 na linggo; pagkatapos nito ay gagawing kada-ikalawang araw ang pag-inom; at panghuli, unti-unting babawasan ang gamot hanggang sa tuluyang matanggal ito. Ang pagbibigay ng gamot ay iba kung sakaling manumbalik muli ang pagkaaktibo ng sakit, pagkatapos gumaling sa unang pagbigay ng gamot.
- Sa unang 1-4 na lingo ng gamutan, makikita ang positibong pagresponde ng pasyente sa gamot, kabilang ang pagkawala ng protina sa ihi. Importanteng sundin na makompleto ang pag-inom ng gamot ayon sa utos ng manggagamot upang maiwasan ang
- Pabalik-balik na pagkaaktibo ng sakit na ito. Huwag biglaang ititigil ang gamot dahil sa takot sa mga posibleng di kanais-nais na epekto nito.
Ano ang mga puwedeng di kanais-nais na epekto (side effects) ng prednisolone (steroids)?
Prednisolone ang pinakakaraniwang gamot na ginagamit sa nephrotic syndrome. Dahil sa posibilidad ng mga di kanais-nais na epekto nito, kailangang inumin ito nang naaayon sa maingat na paggabay ng isang manggagamot.
Agarang Epekto
Ang mga agarang epekto na karaniwang mamamalas ay dagdag na gana sa pagkain, pagbigat ng timbang, pagmamanas ng mukha, iritasyon o pagsakit ng sikmura, madaling kapitan ng impeksiyon, pagkakaroon ng mataas na asukal sa dugo, alta presyon, pagkabalisa, taghiyawat, at labis na paglago ng buhok sa mukha.
Pangmatagalang Epekto
Ang mga karaniwang pangmatagalang epekto ay pagbigat ng timbang; pagpigil sa pagtangkad ng mga bata; manipis na balat; stretch marks sa hita, braso at tiyan; mabagal na paggaling ng sugat; pagkakaroon ng katarata; mataas na kolesterol sa dugo; sakit sa buto (osteoporosis, avascular necrosis of the hip), at panghihina ng kalamnan.
Bakit steroids ang ginagamit sa paggamot ng nephrotic syndrome kung marami itong di kanais-nais na epekto (side effects)?
Maraming di kanais-nais na epekto ang steroids ngunit may panganib kung hindi gagamutin ang nephrotic syndrome. Ang nephrotic syndrome ay maaaring magdulot ng malalang pagmamanas at pagbaba ng protina sa katawan. Kung hindi ito malulunasan, maraming komplikasyon ang maaaring mangyari katulad ng impeksiyon, pagbagsak ng tubig sa katawan, pamumuo ng dugo sa ugat (magdudulot ng atake sa puso, “stroke”, at “pulmonary embolism”), mataas na kolesterol, malnutrisyon, at pamumutla (anemia). Ang mga batang hindi magagamot sa sakit na ito ay maaaring mamatay dala ng matinding impeksiyon. Ang paggamit ng steroids sa nephrotic syndrome ay nagdudulot ng pagbaba ng bilang ng mga namamatay sa sakit na ito sa 3%. Ang tamang dami at tagal ng paggamit sa steroids sa ilalim ng pagsubaybay ng isang mangagagamot ay makagagaling at makababawas sa mga di kanais- nais na epekto nito. Karamihan sa mga epekto ng steroids ay mawawala pagkatapos na itigil ang pag-inom nito.
Hindi maiiwasang magkaroon ng mga di kanais-nais na epekto sa steroids, ngunit ito ay kailangan upang mapakinabangan at maiwasan ang mga komplikasyon ng nephrotic syndrome. Mahigpit na kailangang nasusubaybayan ng manggagamot ang pag-inom ng steroids upang mabawasan ang mga inaasahang di kanais-nais na epekto (side effects).
Sa isang batang may “nephrotic syndrome” na humupa ang pagmamanas at nawala ang protina sa ihi ng sinimulang bigyan ng steroids, bakit muling nagmamanas ang mukha sa ikatatlo o apat na lingo ng pag-inom ng steroids?
Dalawa ang maaaring maging epekto ng steroids: ito ay ang dagdag na gana sa pagkain na makabibigat sa timbang, at ang di karaniwang pagtaba sa katawan. Ang mukha ay maaaring mag-korteng buwan (moon facies) sa ikatlo o ikaapat na lingo ng gamutan ng steroids at maaaring mag-itsurang manas uli ang mukha.
Paano nagkakaiba ang pagmamanas ng mukha dulot ng nephrotic syndrome sa moon facies dulot ng steroids?
Ang pagmamanas ng mukha dulot ng nephrotic syndrome ay nagsisimula sa pagmamanas ng paligid ng mga mata at kumakalat sa buong mukha. Susunod na magmamanas ang mga paa, kamay, at buong katawan. Mas malala ang pagmamanas ng mukha sa nephrotic syndrome pagkagising sa umaga, at mas nababawasan sa gabi.
Ang pagmamanas dulot ng steroids ay karaniwang makikita sa mukha at tiyan, ngunit ang mga kamay at paa ay hindi apektado. Walang partikular na oras na pinipili ang pagmamanas kumpara sa manas na nagmula sa nephrotic syndrome. May mga pagsusuri din na maaaring makatulong upang makita ang pagkakaiba ng dalawa. Kung ang pagmamanas ay kasabay ng mababang protina sa dugo at mataas na kolesterol, ito ay dahil sa “nephrotic syndrome”. Kung normal ang mga pagsusuring ito, mas malamang na ang pagmamanas ay dulot ng epekto ng steroids.
Bakit mahalagang malaman kung ang pagmamanas ay dulot ng nephrotic syndrome o ng steroids?
Upang malaman ang nararapat na gamot para sa pasyente, importante na matukoy kung ang pagmamanas ay dulot ng nephrotic syndrome o dahil sa epekto ng steroids.
Ang pagmamanas dahil sa nephrotic syndrome ay nangangailangan ng sumusunod: mas mataas na dami ng steroids, o maaaring baguhin ang paraan ng pagbigay nito, maaaaring may karagdagang gamot na ibigay, at pagbigay ng mga gamot na pampaihi.
Ang pagmamanas dahil sa steroids ay epekto ng matagal na pag-inom ng steroids; ito ay hindi dapat ikabahala ng hindi kontrolado ang sakit, at hindi rin dapat bawasan ang steroids. Upang makontrol ng pangmatagalan ang nephrotic syndrome, kailangang ipagpatuloy ang steroids ayon sa rekomendasyon ng manggagamot. Hindi dapat magbigay ng gamot na pampaihi kung ang pagmamanas ay dulot ng steroids sapagkat maaaring lalo itong makasamâ.
Ano ang posibilidad na bumalik ang nephrotic syndrome sa mga bata matapos itong gumaling? Gaano kadalas maaaring magpaulit-ulit ito?
Malaki ang posibilidad na magpaulit-ulit ang nephrotic syndrome sa bata hanggang sa 50-75%. Ang dalas ng pag-ulit ay nagkakaiba sa bawat pasyente.
Anong mga gamot ang maaaring gamitin kung hindi epektibo ang steroids sa nephrotic syndrome?
Kung hindi epektibo ang steroids sa nephrotic syndrome, ang ibang mga gamot na maaaring gamitin ay levamisole, cyclophosphamide, cyclosporine, tacrolimus, at mycophenolate mofetil (MMF).
Ano ang mga indikasyon na nangangailangan ng biopsy ng kidney ang mga batang may “nephrotic syndrome”?
Hindi kailangang ma-biopsy ang mga batang may nephrotic syndrome bago simulan silang bigyan ng steroids. Kailangan ang biopsy ng kidney sa sumusunod:
- Kapag hindi nagrersponde ang pasyente sa sapat ng gamutan ng steroids (steroid resistance).
- Pabalik-balik na sakit o umuulit na “nephrotic syndrome” kapag tinatanggal ang streroids (steroid-dependent).
- Kakaibang presentasyon ng “nephrotic syndrome”, katulad ng: pagkakaroon sa unang taon ng buhay, altapresyon, palagiang pagkakaroon ng pulang dugo sa ihi, palyadong kidney, mababang lantas ng C3 sa dugo.
Ang nephrotic syndrome na hindi alam ang dahilan sa mga may gulang na ay nangangailangan ng biopsy ng kidney bago simulan ang steroids.
Ano ang prognostiko ng nephrotic syndrome at kalian ito gagaling?
Ang prognostiko ay depende sa dahilan ng nephrotic syndrome. Ang pinakakaraniwang sanhi ng nephrotic syndrome” sa bata ay minimal change disease (MCD) na may magandang prognostiko. Karamihan sa mga batang may MCD ay nagreresponde ng positibo sa steroids at walang panganib na magkaroon ng pagpalya ang mga kidney ng pangmatagalan (chronic kidney disease).
May ilang bahagdan ng mga batang may nephrotic syndrome ang hindi magreresponde sa steroids at mangangailangan ng karagdagang pagsusuri (iba pang eksaminasyon sa dugo at biopsy ngkidney). Ang mga batang may steroid-resistant nephrotic syndrome ay nangangailangan ng mga ibang gamot (levamisole, cyclophosphamide, cyclosporin, tacrolimus, MMF), at malaki ang kanilang tsansa na pumalya ang kidney sa hinaharap.
Kapag nagamot ng tama, nakokontrol ang mga sintomas at maaaring mamuhay ng normal ang batang may “nephrotic syndrome”. Sa karamihan sa mga bata, maaaring maging paulitulit ito. Habang nagkakaedad, mas nababawasan ang tsansang maulit ito. Karaniwang tuluyang nasusugpo ang sakit na ito mula sa edad na 11-14. Ang mga batang ito ay may mahusay na prognostiko at namumuhay na normal sa kanilang pagtanda.
Kailan kailangang sumangguni sa manggagamot ang taong may nephrotic syndrome? Ang pamilya ng batang may “nephrotic syndrome” ay kailangang agad na sumangguni sa mangagamot kung magkaroon ang pasyente ng sumusunod:
- Pananakit ng tiyan, lagnat, pagsusuka, o pagtatae
- Pagmamanas, mabilis na pagbigat ng timbang, pagkaunti ng ihing inilalabas
- Pananamlay
- Matinding ubo na may kasamang lagnat o matinding sakit ng ulo
- Bulutong o tigdas