Mahalaga ang mga kidney sa ating kalusugan sapagkat inilalabas nito ang toxin o lason sa ating katawan. Maliban dito, isinasaayos din nito ang presyon ng ating dugo sa pamamagitan ng pagreregulate ng dami ng dugo at antas ng asin sa katawan. Bagamat tayo ay ipinanganak na may dalawang bato, isa lámang ang kinakailangan upang maisagawa ang tungkulin nito.
Sa mga nagdaang taon, ipinakikita sa mga pag-aaral na dumarami ang mga nagkakasakit sa bato dahil sa diabetes at hypertension o altapresyon. Kaya’t kinakailangang magkaroon ng higit pang pagunawa sa mga sakit sa bato upang maiwasan ito at kung mayroon ng sakit ay mabigyan kaagad ng kaukulang lunas. Ang hangarin ng aklat na ito ay makapagbigay ng tamang impormasyon ukol sa sakit sa bato at matugunan ang mga karaniwang katanungan ukol dito upang mapaghandaan kung mayroon na nito.
Isinasaad sa unang bahagi ng aklat ang tungkol sa anatomy at estruktura ng mga kidney, ang kahalagahan nito sa ating katawan, at mga mungkahi kung paano maiwasan ang sakit sa kidney. Makikita rin dito ang iba’t ibang dahilan at uri ng sakit sa kidney, mga sintomas kung ang isang tao ay may sakit sa kidney at mga paraan sa paggamot nito. Dagdag pa rito, malaking bahagi ng aklat ang tungkol sa mga pasyente na may ganitong karamdaman gayundin ang kanilang pamilya dahil nakita ng mga may-akda ang kahalagahan nito.
Isang natatanging kabanata ng aklat ay nakatuon sa tamang pangangalaga ng ating mga bato habang hindi pa ito tuluyang nasisira at kung paano mapababagal ang tuluyang pagkasira at mangailangan ng dialysis o kidney transplantation. Ang masusing impormasyon tungkol sa dialysis, kidney transplantation, at cadaver transplantation ay matatagpuan sa ibang bahagi ng aklat. Upang maging ganap na gabay ang aklat para sa mga pasyente na may sakit sa bato, inilahad din ang mga pangkaraniwang sakit sa bato bukod sa kidney failure at mga paniniwala at katotohanan tungkol sa sakit sa bato, ang “golden rules” upang maiwasan ang sakit sa bato, payo tungkol sa mga gamot na karaniwang ginagamit ng mga may sakit sa bato, at marami pang iba. Mahalaga ang tamang pagkain o diet sa mga may sakit sa kidney subalit ito ay minsang nagiging sanhi ng kaguluhan o pagkalito sa mga pasyente, isang hiwalay na kabanata ang ilalaan para dito. Mga payo sa tamang pagkain at babala sa ibang pagkain na dapat iwasan ay makikita rin sa naturang kabanata. Sa likod ng aklat matatagpuan ang glosaryo upang makita ang mga katumbas ng bawat salitang teknikal at daglat o abbreviation na makikita sa buong aklat.