24 Pag-Ihi ng Mga Bata Sa Kama

Madalas ang pag-ihi o hindi sinasadyang pag-ihi ng mga bata sa kama. Kadalasan ito ay nalulutas kahit walang ginagawang gamutan habang ang mga bata ay lumalaki. Ngunit ito ay nakababahala sa mga bata at sa kanilang mga pamilya dahil ito ay nagdudulot ng pag-abala at pagkahiya. Ang kondisyon na ito ay hindi dahil sa sakit sa kidney, katamaran o katigasan ng ulo ng mga bata.

Ilang bahagdan ng mga bata ang may imboluntaryong pagihi sa gabi at anong edad ito nawawala?

Ang pag-ihi sa kama ay madalas sa mga batang edad anim pababa. Sa edad na lima, ang pag-ihi sa pagtulog ay nakikita sa 15 hanggang 20% ng mga bata. Habang tumatanda, nagkakaroon ng karampatang pagbaba ng paglaganap ng pag-ihi sa kama: 5% sa edad 10, 2% sa edad 15, at mas mababa sa 1% sa matatanda.

Sinong mga bata ang madalas umiihi sa kama?

  • Mga batang may mga magulang na may parehong karamdaman noong kanilang kabataan.
  • May mabagal na neurological development na nagiging dahilan upang hindi agad mapansin ng bata na siya ay naiihi.
  • Mga batang malalim ang pagtulog.
  • Mga batang lalaki ang apektado kaysa sa mga batang babae.
  • Pangkaisipan o pisikal na pagod o tensiyon ang maaaring sanhi.
  • Sa maliit na bahagdan ng mga bata (2%-3%), problemang medikal tulad ng impeksiyon sa ihi, diabetes, palyadong mga kidney, bulate, pagtibi ng dumi, maliit na pantog, problema sa spinal cord o urethral valves sa mga lalaki ang mga dahilan.

Lunas

Ang pag-ihi sa kama ay di sinasadya at ito ay hindi kusang ginagawa. Ang mga bata ay dapat sinasabihan na ang kondisyong ito ay titigil at mawawala rin. Hindi dapat sila pinagagalitan o pinarurusahan dahil dito.

Ang pangunahing lunas ay edukasyon, motivational therapy, at pagbago ng gawing pag-inom ng mga likido at pag-ihi. Kung ang pa-ihi sa kama ay hindi aayos sa ganitong mga lunas, babala sa pag-ihi sa kama o mga gamot ay maaaring subukan.

1. Edukasyon at motivational therapy

  • Ang bata ay dapat pinangangaralan sa pag-ihi sa kama
  • Ang pag-ihi sa kama ay di kasalanan ng mga bata at di sila dapat sisihin o kagalitan dahil dito.
  • Pangalagaang walang manunukso sa bata dahil sa pagihi sa kama. Importante na mabawasan ang tensiyon sa mga batang may kondisyong ito. Ang pamilya ng mga batang ito ay dapat sumusuporta at pinararamdam na ang problemang ito ay panandalian lamang at ito ay maayos din.
  • Gumamit ng training pants sa halip na diapers
  • Siguraduhing madali ang pagpunta sa palikuran sa gabi sa pamamagitan ng paggamit ng night lamps.
  • Magdala ng ekstrang pantulog, kobrekama at tuwalya, nang sa gayon ang bata ay madaling makapagpapalit ng kobrekama at nadumihang damit kung siya ay magigising dahil sa pag-ihi sa kama.
  • Takpan ang kutson ng plastic upang ito ay hindi masira.
  • Maglagay ng malaking tuwalya sa ilalim ng kobrekama para sa pagsipsip ng basa.
  • Himukin ang bata sa paliligo tuwing umaga upang hindi mag-amoy ihi.
  • Purihin at bigyan ng gantimpala ang iyong anak sa gabing hindi siya umihi. Kahit maliit na regalo ay isang uri ng pamplalakas ng loob sa bata.
  • Ang pagtitibi ay di dapat isinasantabi, ito ay dapat ginagamot

2. Pagbawas sa pag-inom ng likido

  • Bawasan ang pag-inom ng likido dalawa o hanggang tatlong oras bago matulog, ngunit siguraduhing sapat ang pag-inom ng likido sa araw.
  • Iwasan ang caffeine (tsaa, kape), carbonated drinks (cola), at tsokolate sa gabi. Maaaring makalala ito sa pag-ihi sa kama.

3. Payo sa pag-ihi

  • Himukin ang batang dalawang beses umihi bago matulog. Ang unang pag-ihi ay sa gabi at ang pangalawang pag-ihi ay bago matulog.
  • Ugaliin ang regular na pag-ihi
  • Gisingin ang bata tatlong oras mula sa pagkatulog gabi- gabi upang umihi. Kung kinakailangan, gumamit ng alarm.
  • Sa pamamagitan ng pag-alarm ng oras ng pag-ihi sa kama, ang oras sa paggising sa umaga ay maisasaayos.

4. Alarm ng pag-ihi sa kama

  • Ang paggamit ng alarm sa pag-ihi sa kama ay ang pinakaepektibong paraan upang mapigilan ang pag-ihi sa kama at ito ay kadalasang ginagawa sa mga batang may edad higit sa 7.
  • Ang alarm na ito ay may sensor na nakakabit sa salawal ng bata. Kapag ang bata ay umihi, mararamdaman ng instrumento ang unang patak ng ihi, ito ay tutunog at magigising ang bata. Kapag nagising ang bata, maaari niyang mapigilan ang ihi hanggang siya ay makarating sa CR.
  • Ang alarm ay makatutulong sa pagsasanay ng bata na gumising bago maihi sa kama.

5. Mga pagsasanay ng pantog

  • Marami sa mga batang may problema sa pag-ihi sa kama ay may maliliit na pantog. Ang layunin ng pagsasanay sa pantog ay upang palakihin ang kapasidad ng pantog.
  • Sa umaga ang mga bata ay sinasabihang uminom ng maraming tubig at magpigil ng ihi kahit na sila ay nakararamdam na ng pag-ihi.
  • Sa pagsanay, ang bata ay kayang pigilan ang kanyang pag-ihi sa mas mahabang oras. Ito ang makapagpapalakas ng kanilang pantog at makapagpapalaki sa kapasidad nito.

6. Mga Gamot

Ang gamot ay ginagamit upang mapigilan ang pag-ihi sa kama kung lahat ng pamamaraan ay nagawa na at ito ay ginawa rin lamang sa mga batang may edad 7 pataas. Ito ay epektibo ngunit hindi nito napagagaling ang pag-ihi sa kama. Ito ay panandaliang solusyon at ginagamit pansamantala lamang. Ang pag-ihi sa kama ay karaniwang bumabalik kapag nahinto ang gamutan. Ang permanenteng lunas ay mas makikita sa paggamit ng alarm sa pag-ihi kaysa sa mga gamot.

A. Desmopressin Acetate (DDAVP): Ang Desmopressin na tableta ay mabibili sa botika at binibigay lamang ito kapag ang ibang mga paraan ay hindi naging epektibo. Pinababa ng gamot na ito ang dami ng ihi sa gabi at nagagamit lang ito sa mga batang may napakaraming ihi. Habang ang bata ay nasa gamutang ito, huwag kalimutang bawasan ang dami ng tubig na iniinom sa gabi upang maiwasan ang water intoxication. Ang gamot na ito ay kadalasang binibigay bago matulog sa gabi at ito ay dapat hindi ibinibigay kung ang bata, sa anumang kadahilanan ay nakainom ng maraming mga tubig o likido.

B. Imipramine: Ang Imipramine (tricyclic antidepressant) ay may relaxing effect sa pantog at pinahihigpit nito ang sphincter at sa ganito napararami ang kapasidad ng pantog. Ang gamot na ito ay kadalasang ginagamit ng tatlo hanggang anim na buwan. Sa bilis ng epekto nito, ang gamot ay iniinom isang oras bago matulog. Ang gamot na ito ay lubhang napakaepektibo ngunit pili lamang ang paggamit nito dahil sa masasamang epekto. Ang mga masasamang epekto nito ay pagkaduwal, pagsusuka, panghihina, pagkalito, hirap sa pagtulog, pagkabalisa, pagkabog ng dibdib, panlalabo ng mga mata, tuyong bibig, at pagtitibi.

C. Oxybutynin: Ang Oxybutinin (anticholinergic drug) ay karaniwang ginagamit kung ang pag-ihi ng bata ay nagaganap tuwing umaga. Binabawasan ng gamot na ito ang contractions ng pantog at pinalalaki ang kapasidad nito. Ang mga masasamang epekto nito ay tuyong bibig, pamumula ng mukha, at pagtibi ng dumi.

Kailan dapat magpakonsulta sa doktor ang mga batang may problema sa pag-ihi sa kama?

Ang pamilya ng batang may problema sa pag-ihi sa kama ay agad-agad dapat magpakonsulta kapag ang bata ay:

  • Umiihi sa kama kahit umaga.
  • Umiihi pa rin sa kama kahit ang edad ay higit 7 o 8 taon na.
  • Nagsimulang umihi muli sa kama pagkalipas ng anim na buwan ng dipag-ihi sa kama.
  • Nawalan ng kontrol sa pagdumi.
  • Nilalagnat, masakit at madalas ag pag-ihi, laging nauuhaw, at may pamamaga ng mukha at mga paa.
  • Mahina ang pagdaloy ng pag-ihi at hirap at kailangan pang umiri sa pag-ihi.