Sa chronic kidney disease (CK), ang normal na trabaho ng ating kidney ay unti-unting bumabagsak sa pagdaan ng mga buwan at taon. Sa unang bahagi ng CKD, karamihan sa mga pasyente ay walang mararamdaman na kahit anumang sintomas dahil ang kanilang katawan ay nakaa-adjust sa mga pagbabagong metaboliko na nagaganap sa pagdaan ng panahon. Ngunit ‘pag dumating na sa puntong ang pagtatrabaho ng kidney ay bumagsak na, unti-unti nang makararamdam ng mga sintomas ang pasyente dahil sa pagdami ng lason sa dugo at sobrang tubig sa katawan.
Ano ang mga sintomas ng CKD?
Ang mga sintomas ng CKD ay depende kung gaano kalala ang pagkasira ng kidney. Nahahati ang CKD sa limang stage batay sa paggana o pagtrabaho ng kidney o glomerular fltration rate (GFR). Ang GFR ay nakakalkula batay sa level ng creatinine sa ating dugo.
Unang Stage ng CKD (90-100% ng kidney ay gumagana)
Sa unang stage ng CKD, ang GFR ay mahigit 90 ml/min/1.73m2 subalit may mga makikitang abnormalidad sa mga eksaminasyon sa laboratoryo tulad ng pagkakaroon ng protina sa ihi; abnormalidad sa hitsura ng kidney batay sa X-ray, ultrasound, MRI o CT scan; o may lahi sa pamilya ng sakit na tinatawag na Polycystic Kidney Disease. Karaniwan ay wala pang nararamdamang sintomas ang mga pasyente.
Ikalawang Stage ng CKD (60-89% ng kidney ay gumagana)
Sa ikalawang stage o mild CKD, ang GFR ay nasa 60-89 ml/min/ 1.73m2. Karaniwan ay wala pa ring nararamdamang sintomas ang mga pasyente, ngunit ang ilan ay maaaring makaramdam ng madalas na pag-ihi lalo na sa gabi, altapresyon, mga abnormalidad sa urinalysis tulad ng normal o bahagyang mataas na level ng creatinine.
Ikatlong Stage ng CKD (30-59% ng kidney ay gumagana)
Sa ikatlong stage o moderate CKD, ang GFR ay nasa 30-59 ml/ min/ 1.73m2. Maaaring wala pa ring nararamdaman o bahagya nang nakararamdam ng sintomas ang pasyente. Mayroon ng makikitang abnormalidad sa eksaminasyon ng ihi, at mataas na ang level ng creatinine.
Ikaapat na Stage ng CKD (15-29% ng kidney ay gumagana)
Sa ikaapat na stage ng CKD, ang GFR ay nasa 15-29 ml/ min/1.73m2. Ang mga sintomas ay maaaring kaunti, hindi matukoy, o malala depende sa sanhi ng pagkasira ng kidney at sa mga kaakibat na sakit ng pasyente.
Ikalimang Stage ng CKD (mababa na sa 15% ng kidney anggumagana)
Ang ikalimang stage ng CKD ay ang pinakamalala dahil higit na mababa na sa 15 ml/min/1.73m2 ang GFR. Tinatawag din na End-Stage Renal Dissease (ESRD) o End-Stage Kidney Disease (ESKD), karamihan sa mga pasyente sa stage na ito ay nangangailangan na ng dialysis o kidney transplant. Ang mga sintomas dito ay maaaring mula katamtaman hanggang pinakamalala.
Mga karaniwang sintomas ng sakit sa kidney
- Walang ganang kumain, naduduwal, at nasusuka
- Panghihina, madaling mapagod, at pagbagsak ng timbang
- Pamamanas ng mga paa
- Pamamanas ng mukha, sa palibot ng mga mata lalo na sa umaga
- Altapresyon, lalo kung malala, hindi nakokontrol o sa mga bata
- Pamumutla
- Problema sa pagtulog sa gabi, hindi makapokus at nahihilo
- Pangangati, pamumulikat, o pagkabalisa
- Pagsakit ng tadyang
- Madalas na pag-ihi lalo na sa gabi
- Pananakit ng mga buto, pagkabali ng buto sa adults at mabagal na paglaki sa mga bata
- Kabawasan sa sexual drive at erectile dysfunction sa kalalakihan at mga pagbabago sa buwanang regla sa kababaihan
Sa mga táong may altapresyon, maghinala ng CKD kung:
- Ang edad ay mas bata sa 30 o mahigit 50 nang malaman na may altapresyon
- Malalang altapresyon (higit 200/120 mmHg)
- Mahirap makontrol na altapresyon sa kabila ng regular na paggagamot
- May abnormalidad sa paningin
- Pagkakaroon ng protina sa ihi
- Pagkakaroon ng mga sintomas ng CKD gaya ng pamamanas, walang gana kumain, panghihina, atbp
Ano ang mga komplikasyon ng advanced CKD?
Ang mga potensiyal na komplikasyon ng pasyenteng may advanced CKD ay ang sumusunod:
- Hirap sa paghinga at paninikip ng dibdib dahil sa pagkakaroon ng tubig sa baga
- Malalang altapresyon
- Malalang pagduduwal at pagsusuka
- Malalang panghihina
- Komplikasyon sa central nervous system tulad ng pagkalito, labis na pagkaantok, kombulsiyon, at coma
- Mataas na level ng potassium sa dugo (hyperkalemia) na maaaring magdulot ng komplikasyon sa puso na nakamamatay
- Pamamaga sa pericardium o bumabalot sa puso (Pericarditis)
Pagsusuri sa CKD
Ang CKD ay karaniwang walang sintomas sa unang bahagi. Kadalasan, natutuklasan lamang ito kapag nagkaroon ng altapresyon, o may mataas na level ng creatinine sa dugo, o may protina (albumin) o dugo sa ihi. Ang mga pasyente na may diabetes, altapresyon, matanda na, o may kapamilya na nagkaroon ng CKD ay itinuturing na nasa panganib na magkaroon ng CKD. Kailangang ma-screen ang mga ito upang maagapan, masubaybayan, at mabigyan ng maagang gamutan kung kinakailangan.
1. Hemoglobin
Kadalasang mababa ang hemoglobin. Ang mga pasyente ay nagkakaroon ng anemia dahil sa bumababang produksiyon ng erythropoietin sa kidney.
2. Eksaminasyon ng Ihi
Ang pagkakaroon ng albumin o protina sa ihi (tinatawag na albuminaria o proteinuria) ay maagang sintomas ng CKD. Kahit kaunting protina sa ihi, tinatawag na microalbuminuria, ay maaaring pinakamaagang sintomas ng CKD. Dahil ang proteinuria ay maaaring dulot din ng lagnat o intensibong pageehersisyo, makabubuting tiyakin munang hindi ito dulot ng iba pang dahilan ng proteinuria bago sabihing ito ay dahil sa CKD.
3. Serumcreatinine, blood urea nitrogen (BUN) at GFR
Ang madali at murang paraan upang masukat ang paggana o pagtrabaho ng kidney ay sa pamamagitan ng pagkuha ng level ng creatinine sa dugo. May ilang formula na ginagamit upang makalkula ang paggana o pagtrabaho ng kidney o glomerular fltration rate (eGFR). Kabilang ang edad, kasarian, at antas ng creatinine sa dugo sa mga formula naturang formula. Ang madalas na pagkuha ng antas ng creatinine ay makatutulong upang masubaybayan ang progreso o pagtugon sa gamutan ng isang pasyenteng may CKD. Gamit ang eGFR, nahahati sa limang stage ang CKD.Mahalaga ang mga pagrerekomenda ng karagdagang pagsusuri at mga suhestiyon sa angkop na paggagamot.
4. Ultrasound ng kidney
Ang ultrasound ay isang simple, epektibo, at murang eksaminasyon na isinasagawa sa pagsusuri kung may CKD. Ang pagkakaroon ng maliit na sukat ng kidney ay itinuturing na patunay na may CKD ang isang pasyente. Ngunit, may ilan kung saan ang sukat ng kidney ay normal ang laki o higit pang malaki sa normal na kasukatan; ito ay nakikita sa mga may CKD na dulot ng adult polycystic kidney disease, diabetic nephropathy (sakit ng kidney sanhi ng diyabetis) o amyloidosis. Nakatutulong din ang ultrasound sa pagtukoy sa CKD na dulot ng pagbabara sa daluyan ng ihi o kaya mga bato sa kidney.
5. Iba pang mga eksaminasyon
Ang CKD ay nagdudulot ng abnormalidad sa iba pang pangkalahatang tungkulin ng mga kidney. Upang masuri ang mga ito, nagsasagawa ng iba’t ibang eksaminasyon tulad ng: test para sa antas ng mga asin at asido sa ating katawan (sodium, potassium, magnesium, bicarbonate); para sa anemia (hematocrit, ferritin, transferrin saturation, peripjeral smear); para sa mga sakit sa buto (calcium, phosphorus, alkaline phosphatase, parathyroid hormone); at iba pang eksaminasyon (serum albumin, cholesterol, triglycerides, blood glucose and hemoglobin A1c), ECG at echocardiography.