Ang sistemang pang-ihi ay binubuo ng dalawang kidney, dalawang tubong lagusan ng ihi patungo sa pantog (ureters), isang pantog, at isang daluyan ng ihi palabas ng katawan (urethra). Ang impeksiyon sa daanan ng ihi (urinary tract infection o UTI) ay impeksiyon ng kahit anumang bahagi na bumubuo sa daanan ng ihi. Ang UTI ay pangalawa sa pinakakaraniwang impeksiyon sa katawan ng tao.
Ano ang mga sintomas ng UTI?
Ang mga sintomas ng UTI ay sari-sari at maaaring depende sa tindi ng impeksiyon, edad ng may sakit, at partikular sa daluyan ng ihi na apektado ng impeksiyon.
Mga karaniwang sintomas ng UTI
- Mahapding pag-ihi
- Madalas na pag-ihi, balisawsaw, o palagiang pangangailangan na makaihi ng agaran (urinary frequency and urgency)
- Lagnat at panlalata
- Mabahong amoy at malabong ihi Mga sintomas na dulot ng impeksiyon ng pantog (Cystitis)
- Sakit sa puson
- Madalas o masakit na pag-ihi at balisawsaw
- Karaniwang mababa ang lagnat na walang sakit sa balakang
- Dugo sa ihi
- Mga Sintomas ng UTI ng Taas na Bahagi ng Daluyan ng Ihi (Pyelonephritis)
- Pananakit ng balakang
- Mataas na lagnat at panginginig
- Pagkahilo, pagsusuka, panlalambot, pagkapagod, at panlalata
- Ang mga matatanda ay maaaring magkaroon ng pagkalito. Ito ang pinakaseryoso sa mga sintomas sapagkat nangangahulugan itong kumalat na sa buong katawan ang impeksiyon. Mapanganib ito kung hindi sapat at naipagpaliban ang pagbibigay ng karampatang gamot.
Ano-ano ang dahilan ng paulit-ulit na UTI?
- Anumang bara o balakid sa maayos na pagdaloy ng ihi.
- Ang mga babae ay mas madalas na magka-UTI gawa ng maikling daluyan ng ihi mula sa pantog ng babae (short urethra).
- Ang mga babaeng aktibo sa pakikipagtalik ay mas madalas magka- UTI kaysa sa mga hindi nakikipagtalik.
- Urinary stones: Ang pagkakaroon ng bato sa kidney, bato sa tubong daluyan ng ihi, o bato sa pantog ay maaaring humarang sa daloy ng ihi at magdulot ng impeksiyon.
- Sonda sa daluyan ng ihi: Ang mga taong nangangailangang masonda ng pangmatagalan ay mas madaling kapitan ng UTI.
- Sakit sa daluyan ng ihi mula nang ipanganak: Ang mga sanggol na ipinanganak na may abnormalidad sa daluyan ng ihi tulad ng “vesicoureteral reflux” at “posterior urethral valve”, na ang ihi ay maaaring dumaloy paakyat imbes na pababa ay mas madalas magkaroon ng UTI.
- Paglaki ng prostate (Benign prostatic hyperplasia): Ang kalalakihang may edad 60 pataas ay mas madalas magkaUTI dahil nahaharangan ng malaking prostate ang daluyan ng ihi.
- Mga may mahinang resistensiya sa impeksiyon (immunosuppression): Ang mga taong may hindi kontroladong diabetes, HIV, o kanser ay mas madalas magka-UTI.
- Iba pang mga dahilan: Makitid na daluyan ng ihi, tuberkulosis ng daluyan ng ihi, sakit sa ugat ng pantog, o Bladder Diverticulum - Isang abnormalidad sa estruktura ng pantog na may namumuong bulsa na maaaring deposituhan ng ihi at maging sanhi ng impeksiyon
Maaari bang maapektuhan ang mga kidney kung paulit-ulit ang UTI?
Kung ang impeksiyon ay nasa pantog o daluyan ng ihi palabas ng katawan lamang, hindi ito magdudulot ng pagkasira ng kidney Ang UTI sa mga nakatatanda ay maaaring makaapekto sa kidney kung hindi agarang magagamot ang sumusunod: bato sa kidney, bara o pagkipot ng daluyan ng ihi, at tuberkulosis ng daluyan ng ihi.
Gayunpaman, sa mga nakababata, kailangang magamot din nang tama at agaran ang UTI sapagkat ang paulit-ulit na UTI ay maaring magdulot ng pagkasira ng kidney at altapresyon sa kanilang pagtanda. Samakatuwid, ang UTI ay isang seryosong sakit sa bata kumpara sa mas matatanda.
Pagsusuri upang Malaman kung may UTI
May mga pagsusuring maaaring makatulong upang malaman kung may UTI ang isang tao.
Batayang Imbestigasyon para sa UTI:
1. Ang eksaminasyon ng ihi
Ang pinakamahalagang pagsusuri upang malaman kung may impeksiyon sa daluyan ng ihi. Ang unang ihi pagkagising sa umaga ang dapat na ibigay bilang sampol sa laboratoryo. Ang pagkakaroon ng nana sa ihi ay maaaring senyales ng UTI. Maaari ding mangahulugan ito ng pagkakaroon ng pamamaga sa daluyan ng ihi, bagaman ang kawalan nito ay hindi nangangahulugan na walang UTI.
May mga natatanging pamamaraan ng agarang pagsuri sa ihi na maaaring gawin sa bahay o opisina ng manggagamot. Ito ay gamit ang urine dipstick (leukocyte esterase at nitrite) na nagbabago ang kulay kapag isinawsaw sa ihi. Kung magpostibo ito, mangangailangan ng karagdagang pagsusuri ng mangagamot.
2. Urine culture at sensitivity
Ito ang pinakatiyak na paraan upang mapatunayan kung may UTI at karaniwang ginagawa bago magsimula ang pagbibigay ng antibiyotiko. Ito ay iminumungkahi kapag ang UTI ay komplikado o paulit-ulit subalit ang resulta ay lumalabas lamang matapos ang 48-72 oras pagkabigay ng ihi sa laboratoryo. Malalaman kung anong organismo ang sanhi ng impeksiyon ng ihi at kung anong mga antibiyotiko ang maaaring makasugpo dito, gayundin ang mga antibiyotikong hindi mabisa para sa mikrobyong ito. Samakatuwid, makatutulong ito sa manggagamot upang mapili ang nararapat na gamot upang sugpuin ang UTI.
Upang maiwasan ang potensiyal na kontaminasyon ng ihing ibibigay sa laboratoryo, dapat linisin muna ang paligid ng labasan ng ihi at gumamit ng malinis na lalagyan upang saluhin ang kalagitnaang daloy ng ihi. Ang ibang pamamaraan ng pagkuha ng ihi kung sakaling hindi nakaiihi ng normal ang pasyente: maaaring gumamit ng hiringgilya at tusukin ang pantog upang mahigop ang ihi (suprapubic aspiration), paggamit ng sonda, o espesyal na lalagyan upang saluhin ang ihi (bag specimen urine).
3. Eksaminasyon sa dugo
Maaari ding makatulong ang sumusunod na eksaminasyon sa dugo: complete blood count (CBC), blood urea, serum creatinine, blood sugar, at C reactive protein.
Mga Pagsusuri Upang Matuklasan ang Ibang Kondisyon na Maaaring Magdulot ng UTI
Kung ang UTI ay hindi gumaling sa karaniwang gamutan o kung paulit-ulit ito, may mga karagdagang pagsusuri na kailangang isagawa upang malaman kung may mga kondisyong nakapagdudulot ng UTI:
- Ultrasound at X-ray ng tiyan
- CT scan o MRI ng tiyan
- “Voiding cystourethrogram” - VCUG (“Micturating cystourethrogram” – MCU)
- “Intravenousurography”(IVU)
- Pagsusuri ng ihi gamit ang mikroskopyo upang malaman kung may tuberculosis sa ihi
- “Cystoscopy”–pamamaraan na ang isang urologist ay sisilipin ang loob ng pantog gamit ang espesyal na instrumentong cystoscope
- Pagsusuri ng isang gynecologist
- Pagsusuring urodynamic
- Blood cultures
Pag-iwas sa pagkakaroon ng UTI
- Uminom ng maraming tubig (hanggang3-4 litro sa isang araw). Pinalalabnaw ng tubig ang ihi na makatutulong upang maalis ang mikrobyo palabas sa daluyan ng ihi.
- Umihi tuwing ikalawa o ikatlong oras. Huwag ipagpaliban ang pag-ihi kung naiihi na. Maaring maipon ang mikrobyo sa loob ng pantog kung hindi agarang mailabas ito.
- Kumain ng mga pagkaing sagana sa bitamina C, katulad ng cranberry juice, upang mapanatili ang tamang antas ng acid sa ihi na makababawas sa pananahan ng mikrobyo sa ihi.
- Iwasan ang pagtitibi at gamutin ito agad.
- Ang mga babae kapag naglilinis matapos dumumi ay kailangang magpunas mula harap papunta sa likod. Sa pamamagitan nito, maiiwasang kumalat ang mikrobyo mula sa labasan ng dumi sa puwit patungo sa puwerta at labasan ng ihi.
- Linising mabuti ang puwerta at puwitan bago at matapos makipagtalik. Umihi bago at matapos ang pagtatalik at uminom ng isang basong tubig pagkatapos makipagtalik.
- Ang mga babae ay pinapayuhang magsuot ng underwear na yari sa koton upang mahanginan nang maayos ang puwerta. Iwasan ang masisikip na pantalon at kasuotang pang-ilalim na gawa sa naylon.
- Ang paulit-ulit na UTI sa mga babae matapos makipagtalik ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pag-inom ng nararapat na antibiyotikong propilaksis pagkatapos ng pakikipagtalik.
Lunas sa UTI
Pangkalahatang gamutan
Uminom ng maraming tubig. Ang isang may sakit, nanunuyo at kulang sa tubig, hindi makainom, at nagsusuka ay kailangang maospital upang mabigyan ng tubig at mga IV fluid sa pamamagitan ng suwero.
Uminom ng gamot para sa sakit at lagnat. Maaaring maglagay ng maligamgam na tubig sa puson o lugar na masakit. Iwasan ang kape, alak, paninigarilyo, at maaanghang na pagkain na maaaring makairita sa pantog. Sundin ang mga tuntunin upang maiwasan ang UTI na nabanggit.
Lunas sa UTI na Nakaaapekto sa Pantog at Daluyan ng Ihi Palabas (Lower UTI)
Sa isang malusog na kabataang babae, ang panandaliang antibiyotiko sa loob ng 3 araw ay sapat na upang malunasan ang UTI. May ibang gamot na kailangang makompleto ng 7 araw. Kung minsan, isang inuman ng antibiyotikong Fosfomycin ay maaaring gamitin. Ang lahat ng lalaking may gulang, maliban ang mga lalaking malusog at isang beses pa lamang nagkaroon ng UTI sa pantog, ay nangangailangan ng 7-14 na araw ng antibiyotiko dahilan sa anatomiya ng daluyan ng kanilang ihi na nakapagdudulot ng UTI. Ang mga karaniwang antibiyotiko ay nitrofurantoin, trimethoprim, cephalosporins o fluoroquinolones. Ang akmang antibiyotiko ay batay sa lumalaganap na mga mikrobyo at kanilang pagkasensitibo sa mga gamot sa bawat lokalidad.
Lunas sa Malubhang UTI ng kidney (Pyelonephritis)
Ang mga pasyenteng may katamtaman hanggang malubhang impeksiyon sa kidney ay nangangailangang maospital. Kailangang ipaeksamin ang ihi at dugo (urine and blood cultures) bago simulang ibigay ang antibiyotiko upang malaman ang mikrobyong naging sanhi ng UTI at ang akmang antibiyotiko upang masugpo ito. Ang antibiyotiko ay idadaan sa suwero sa loob ng ilang araw, at susundan ng oral na antibiyotiko sa loob ng 10-14 araw. Kung hindi nagreresponde sa antibiyotiko sa suwero (hindi nawawala ang mga sintomas kabilang ang lagnat, at pagkasira ng kidney), kailangang magpagawa ng ultrasound o CT scan ng kidney. Ang eksaminasyon sa ihi ay ipauulit matapos ang ilang araw ng gamutan upang malaman kung akmang nagreresponde ang impeksiyon sa antibiyotiko.
Lunas sa Paulit-ulit na UTI
Sa mga pasyenteng paulit-ulit ang UTI, kailangang malaman ang mismong dahilan na nagdudulot ng impeksiyon. Batay sa kaukulang dahilan, ang nararapat na gamutang medikal o operasyon ay kailangang gawin. Dapat na matutukan ang pasyente upang masiguro na sumusunod sila sa mga tuntunin para maiwasan ang UTI at pangmatagalang gamutan, upang maiwasan muli ang malubhang UTI.
Kailan Dapat Kumonsulta sa Manggagamot kung may Sintomas ng UTI?
Lahat ng bata na may UTI ay kailangang masuri ng manggagamot. Ang mga pasyenteng may gulang na may UTI ay kailangang sumangguni sa manggagamot sa sumusunod na kalagayan:
- Pagkaunti ng inilalabas na ihi o tuluyang kawalan ng ihi
- Paulit-ulit na mataas na lagnat, panginginig, pananakit ng balakang, at malabo o may dugo sa ihi
- Walang pagbabago sa kalagayan matapos masimulan ang antibiyotiko ng 2-3 araw
- Matinding pagsusuka, panghihina o pagbagsak ng presyon
- Kung ang pasyente ay may isang kidney na lamang
- Ang pasyente ay dati nang may bato sa kidney