Ang Chronic Kidney Disease (CKD) ay ang unti-unti at pangmatagalang paghina ng mga kidney na hanggang ngayon ay wala pang natutuklasang lunas. Napakaraming tao sa mundo ang may CKD, itinatayang 1 sa 10 tao ang mayroon nito. Ito ay dahil na rin sa pagdami ng mga taong may altapresyon, diabetes, mataas ang cholesterol o taba sa dugo, pati na rin ang mga naninigarilyo at sobrang pagtaba.
Ano ang Chronic Kidney Disease (CKD)?
Kapag nagkasakit ang ating mga kidney, maaaring mapinsala ito at unti-unting humina sa pagtagal ng panahon. Kung maaagapan ng gamot, maaaring mapabagal ang paghina ng mga kidney, subalit kung mapababayaan, magiging mabilis ang tuluyang paghina. Nalalaman ito sa patuloy na pagtaas ng antas ng creatinine o pagbaba ng “estimated GFR” (eGFR) na nasusukat ng manggagamot sa pamamagitan ng isang formula (CKD-EPI) na nababatay rin sa antas creatinine sa dugo.
May stages ang CKD, mula Stage 1 hanggang Stage 5, na batay sa eGFR. Stage 5 ang pinakamalala. Ang pagkakaroon ng protina o albumin sa ihi ay isa ring palatandaan ng sakit sa kidney.
Ang CKD ay dating tinaguriang “chronic renal failure (CRF)” subalit masyadong negatibo ang dating ng salitang “failure”. Ang mga kidney naman natin, kahit may sakit, ay gumagana pa rin habang hindi humahantong sa pinakamalalang stage ng CKD.
Ano ang tinatawag na “End Stage Kidney Disease o End Stage Renal Disease”? (ESKD/ ESRD)
Ang ESKD ay ang pinakamalalang antas ng CKD, na sinasapit kapag sobrang hina na ng pagtatrabaho ng mga kidney (wala ng 10% ng normal). Pagdating sa stage na ito, hindi na maibabalik sa normal ang mga kidney at hindi na makatutulong ang mga pangkaraniwang gamot, kaya minamabuti na ng nephrologist ang pagsasagawa ng dialysis o kidney transplant.
Ano ang mga sanhi ng CKD?
May ilang uri ng sakit sa kidney ang maaaring makapinsala nang husto at mauwi sa CKD. Ang 2 pangunahing sanhi ay ang diabetes at altapresyon.
- Ang diabetes ang nangungunang sanhi ng CKD sa buong mundo. Tinatayang 1 sa 3 tao na may diabetes ang magkakaroon ng komplikasyon sa kidney.
- Ang altapresyon, lalo na kung hindi ginagamot, ay maaaring makapagpahina sa mga kidney. Mas mabilis lumala ang CKD kapag ang presyon ng dugo ay laging mataas at napapabayaan.
- “Chronic Glomerulonephritis” o pamamaga ng kidney. Ito ang pangatlong sanhi ng CKD na maaaring magsimula mula pagkabata.
- “Polycystic Kidney Disease”: Ito ang pangunahing namamanang sakit sa kidney. Ang mga kidney ay nagkakaroon ng marami at naglalakihang mga lintog (“cysts”) na sumisira dito.
- Mga iba’t iba pang uri ng sakit sa kidney, tulad ng pagbabara ng mga kidney o ng pag-ihi dahil sa paglaki ng prostate ng kalalakihan; abnormalidad sa sirkulasyon ng kidney; sakit sa kidney na dulot ng mga bawal na gamot o food supplements; paulit-ulit na impeksiyon sa kidney, lalo na sa mga bata (‘vesicoureteric reflux’)